ID Source: FB

2 kelot na gumagawa ng pekeng PWD IDs arestado

April 10, 2024 Melnie Ragasa-limena 75 views

ARESTADO ang dalawang lalaki na gumagawa ng pekeng identification card ng Persons with Disabilities (PWD) sa isang entrapment operation ng mga awtoridad sa Quezon City nitong Lunes ng hapon.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen Redrico Maranan ang mga nadakip na sina Deline Pacala Banaag, 27, residente ng Vicente Village, Bagong Silangan, Quezon City, at Jaywen Doctama Laurino, 24, ng Brgy. 176 Phase 8 Bagong Silang, Caloocan.

Sa ulat, bandang 12:30 ng hapon noong Abril 8, inireklamo ni Arnold Delicio Cabral ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO), sa CIDU ang pagtaas ng bilang ng mga pekeng QCitizen IDs PWD na nakumpiska ng kanilang opisina mula sa ilang kliyente.

Matapos na makatanggap ng impormasyon laban sa mga suspek ay agad nagkasa ng entrapment operation ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), sa pamumuno ni P/Maj. Don Don Llapitan, at District Special Operations Unit (DSOU) sa ilalim ng PMAJ Wilfredo Taran Jr.

Sa entrapment operation sa koordinasyon sa Caloocan City Police Station ay naaresto ang mga suspek ssa Santo Nino de Bagong Silang, Phase 1 Brgy. 176 Bagong Silang, Caloocan City.

Nakumpiska sa kanila ang limang pekeng QCitizen ID Card para sa mga PWD, dalawang cellular phone, isang black coin purse, susi ng motorsiklo, at isang unit na Yamaha Gravis.

Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Article 172 o the Falsification by Private Individuals and Use of Falsified Documents in relation to R.A 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.