BFP

Bumbero, 3 iba pa sugatan sa sunog sa Paranaque

April 10, 2024 Edd Reyes 134 views

APAT ang sugatan, kabilang ang isang bumbero, sa sunog na naganap Miyerkules ng hapon sa Paranaque City.

Kabilang sa mga nagtamo ng pinsala sa katawan sina Kimberly Sebastian, 23, FO2 Paulo Baraquel ng Paranaque Bureau of Fire Protection (BFP), Rachel Agustin at Ferdinand Trono, kapuwa nasa hustong gulang.

Sa pang-unang ulat na tinanggap ni Paranaque Fire Marshal F/Supt. Eduardo Loon, sumiklab ang sunog dakong ala-1:15 ng hapon sa ground floor ng bahay ng isang Jojo Salvador sa Greenhills, Barangay San Dionisio na kumalat sa mga katabing kabahayan.

Nahirapan ang mga tauhan ng BFP na maapula ang apoy dahil bukod sa masikip ang lugar, sinasalubong pa sila ng makapal na usok dahil sa pabago-bagong ihip ng hangin,

Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago tuluyang nakontrol dakong alas-2:34 ng hapon hanggang ideklarang fire out makaraang ang halos isang oras..

Iniimbestigahan pa ang sanhi ng naganap na sunog na tumupok sa tinatayang P81,000.00 halaga ng mga ari-arian.

AUTHOR PROFILE