Matet

Matet: Ang lakas maka-ampon ng ginawa ni Mommy! … Nora, blinock ni Matet

December 5, 2022 Ian F. Fariñas 167 views

Nora

BLOCKED for life na ang Superstar na si Nora Aunor sa buhay ng ampon niyang si Matet de Leon.

‘Yan ang isa sa mga masakit na impormasyon ni Matet sa kanyang latest live vlog sa YouTube.

Nagsimula ang isyu sa pagpo-post ni Matet ng conflict nilang mag-ina sa Instagram tungkol sa pangungumpetensiya sa kanya ni Ate Guy sa negosyo.

Sa mga hindi nakakaalam, matagal-tagal na ang negosyo ni Matet na Casita Estrada gourmet tinapa, tuyo, atbp. na gawa ng mister niyang si Mickey Estrada.

Hinaing ni Matet sa IG, “Would you do this to your children? HONOR THY FATHER AND MOTHER. HOW? How can I do that now? Ay. AMPON PALA AKO. Nung isang gabi, sinabihan ako na mag resell na lang ng products ng nanay ko. Pinaghihirapan namin ang pagtitinda. Bakit all of a sudden, nagulat na lang ako, naglabas ang nanay ko ng direktang kumpetensiya ng produkto ko.

Alam niyang may produkto akong ganyan. Marami naman daw akong taping. Ano sa tingin niyo gagawin ko ngayon? Ano magandang gawin? Kung may anak kayo, GAGAWIN NIYO BA SA MGA ANAK NIYO ‘TO?”

Ang nasabing IG post ni Matet ay ni-like pa ng ama-amahang si Christopher de Leon na pinasalamatan niya sa vlog sa pagbibigay ng apelyido sa kanilang magkakapatid.

Pero nilinaw din niya agad na ayaw niya itong madamay pa sa isyu nila ng inang Superstar.

Ayon kay Matet, ginawa niya ang halos isang oras na YouTube live para sa mga Noranian na malapit sa kanila na naguguluhan na sa mga nangyayari ngayon.

“Una, gusto ko munang humingi ng pasensya, ‘no, du’n sa shenanigans na nangyayari. Gusto kong humingi ng pasensya sa mga nagimbal ang mundo. Sa mga walang paki, hay, naku, how to be you? Gusto ko rin maging walang paki,” panimula niya.

Para sa ikalilinaw umano ng isyu, sinabi ni Matet na nasaktan siya nang i-post ng isang malapit kay Ate Guy ang mga litrato ng bagong negosyo nito kasama ang mga presyo.

Hindi niya raw naintindihan ang intensyon pero naniniwala siya na may go signal o approval ng mommy niya ang nangyari.

Dahil dito, napatunayan daw ni Matet na although mahal na mahal niya si Ate Guy, hindi nga siya mahal nito.

Alam daw ng ina na wala siyang gaanong trabaho lately kaya nga itinayo nila ni Mickey ang Casita Estrada.

Katunayan, inamin din ni Matet na nangutang pa siya kay Ate Guy dahil ang perang ginamit niya sa pagtatayo ng Casita Estrada ay ang natitira niyang savings.

Kaya na-bad trip talaga siya nang i-send pa ni Ate Guy sa kanya ang pictures ng sariling gourmet brand na Ate Guy’s kahit aware ito na makakalaban niya nang direkta ang Casita Estrada.

Nu’ng una, hindi raw siya nagsalita o nag-post dahil umasa siyang matatauhan si Ate Guy at maiisip na hindi niya dapat gawin iyon sa sarili niyang anak.

“Eh, kaso, hindi ko alam kung anong nangyari,” saad pa ni Matet.

“Alam ko na meron, pero hindi ko alam na ipo-post. Hindi ko alam na gagawin niya talaga sa akin ito at ibebenta niya talaga ang produkto. Hindi naman para sa pag-agawan pa namin ‘yung Noranians, ‘di ba? Hindi naman ‘yun ang punto ko, eh, yung pag-aagawan pa namin… No, no, no, no. Mommy, ‘wag naman po. Pa’no na wala na akong bebentahang Noranians, sa iyo na bibili.

Hindi naman po ‘yon. Kasi marami naman pong tao sa Pilipinas at sa buong mundo na pwedeng pagbentahan nito. Ang akin lang pong sentiments is pa’no nagawa sa akin ito? Direct ang kumpentensiya kasi. Paano n’yo nagawa sa akin ito na ako ay hindi nagsasalita tungkol sa mga issue. Nagkaroon na ng issue nu’ng year 2020, December. Nagkaroon ng issue si Mommy at saka si Kuya. Hindi ako nagsalita d’yan. Ang sinabi ko lang, para kaming nakabusal, nakatali, nakabusal na sinasampal-sampal. ‘Yun lang ang sinabi ko… Paano nagawa sa akin ng nanay ko ‘yan? Hindi ko matanggap. And ano ‘yung punto? Hanggang ngayon, hindi ko alam,” hinaing pa ni Matet sa ina.

Inamin din ng aktres ang pagkakaroon niya ng bipolar disorder. Kaya hindi raw niya ma-imagine ang lungkot at gulat niya sa nangyari na imbes sinuportahan siya ni Ate Guy sa negosyo, kinalaban pa siya.

“I feel very sad. I feel betrayed. Para akong tinraydor. Grabe, ampon na ampon ‘yung pakiramdam ko ngayon, mga ‘tol. Ang lakas maka-ampon nu’ng ginawa nila. Ang lakas maka-ampon.

Damang-dama ko ang pagka-ampon,” dagdag pa ni Matet.

Ngayon lang daw niya na-realize na hindi sila mahal ni Ate Guy. Na tama ang ate niyang si Lotlot na aniya ay ilang beses nang binaboy ng fans ng ina.

“Ngayon maiintindihan ko kung ang Noranians ay magagalit na naman sa akin, magagalit na naman sa amin, pati ang ate ko na hindi kasali dito, madadamay kasi wala kaming kwentang ampon.

Wala kaming utang na loob. Pag-usapan natin ‘yung utang na loob. Alam n’yo ba na hanggang ngayon ay nagbabayad pa rin kami ng utang na loob. Kaya wala kayong alam sa mga katotohanang nangyari sa amin mula nang kami ay inampon. Marami kayong hindi alam at hindi n’yo na malalaman. Hanggang ngayon nagbabayad kami ng utang na loob. Saka teka, ano bang utang na loob ‘yon? Na naging artista kami dahil kay Mommy? Hindi si Mommy ang kumuha sa akin, lola ko. Klinaro niya ‘yon sa akin.”

May sakit at may edad na nga raw si Ate Guy kaya ayaw na niyang sumama pa lalo ang loob nito sa kanya.

Hindi rin daw tungkol sa mana ang habol niya dahil ang ipon ni Ate Guy ay inilalaan sa ibang tao o bagay na hindi na in-elaborate pa ni Matet.

“Hindi rin ito for any good or bad publicity for Casita. Actually, ayaw ko hong idamay na ‘yung produkto ko rito kaya lang kasi ‘yun ‘yung pinag-uugatan nito, ‘yung negosyo ko. Gusto ko lang i-air out ‘yung side ko, ‘yung pakiramdam ko ngayon. Wala kong binabanggit na pangalan, wala akong ano, wala. ‘Wag n’yo lang kaming sasabihan na wala kaming utang na loob. ‘Yung ate ko na lagi n’yong binabanatan, na walang utang na loob, pati si Janine (Gutierrez), dinadamay n’yo ‘yung pamangkin ko, hindi nga yata kilala ni mommy ‘yon, hindi sila close,” pahayag pa ni Matet.

Sa mga nagwi-wish na sana maayos pa rin ang relasyon nila ni Ate Guy, ani Matet, “parang hindi na ho.”

“Kasi hindi ko alam kung pa’no mo magagawa ‘yan sa mga anak mo. Hirap na hirap kami, grabe! Hirap na hirap kaming magkakapatid,” at naiyak na nga ang aktres.

“Paulit-ulit na lang. ‘Pag may ginagawa si Mommy na sablay tapos kapagka pumalag kami, sasabihin n’yo wala kaming kwenta. Ano ba!? Anong gusto niyong gawin namin dito? Hindi, I don’t understand. Anong gusto n’yong gawin namin? Para kaming nakatali, para kaming nakabusal na sinasampal-sampal n’yong lahat. Nakatali kami, wala kaming pwedeng gawin. Nakabusal kami, wala kaming pwedeng sabihin. Sinasampal-sampal n’yo lang kami. Na wala kaming kwentang ampon. Anong gagawin namin ngayon? Nagsasalita ako para sa ate ko. Sa ate kong binaboy ng mga kung sino d’yang nanonood. Sa kuya ko na binaboy n’yo rin. Ako naman ngayon, bababuyin n’yo rin, sigurado ‘yan. Tama pa ba? Naaawa ako sa ate ko. Grabe ginawa n’yo sa ate ko. Grabe ginawa n’yo sa ate ko. Hindi namin masabi sa inyo kung ano ‘yung pinagdaanan namin, eh. Kasi masisira si Mommy. Isa pa matanda na mommy ko, may sakit na mommy ko, hindi na para i-ano pa namin dito. Basta. ‘Wag nyo lang kami babanatan. Baka isipin n’yo tama pa rin ‘to ha?”

Sa kabila ng kanyang mga binitawang salita, iginiit ni Matet na mahal na mahal niya si Ate Guy.

Handa raw siyang makipagpatayan para sa ina.

“Papatay ako para sa mommy ko. Ganyan ko kamahal ang mommy ko. Hanggang ngayon, mahal ko ang mommy ko. Mahal na mahal ko ang mommy ko. Ako, mahal niya kaya ako? Hindi n’yo sure. Hindi ko rin sure,” pagdiriin pa ni Matet.

Bandang huli, in-assure niya si Ate Guy na dala ng pagmamahal na ito, hindi na sila magpapakita pa ng kanyang mga anak kay Ate Guy para hindi na ito magulo pa.

AUTHOR PROFILE