Default Thumbnail

Mas sistematiko at madaling pagbabayad ng amilyar sa QC

August 27, 2021 Allan L. Encarnacion 523 views

Allan EncarnacionISA ako sa mga mamamayan ng Lungsod Quezon sa mga pinakamaaga magbayad ng real property tax.

Wala itong palya, 20 to 25 years ago, ang nakaugalian ko ay magbayad ng amilyar sa unang linggo pa lamang ng January kada taon. Amoy pulbura pa ang buong paligid mula sa New Year’s eve revelry, nasa city hall na ang aking staff para i-settle ang mga bayarin ng isang buong taon.

Bukod sa benepisyong 20% discount sa real property tax kapag maagang magbayad, konti pa lang ang mga tao dahil may hangover pa ng Pasko’t Bagong Taon. Kapag pumasok nga sa Quezon City hall ang tao ko ng alas-9 ng umaga, tapos na siya wala pang alas-onse.

Kahit sa filing ng Income Tax Returns, taun-taon ay maaga ko ito pinagagawa, karaniwan January din dahil hangga’t maari ay ayokong umabot sa April 15. Kung may delay na mangyayari, doon na sa accountant ang problema, hindi sa akin.

Sa agap kong ito, mas lalo pang pinagaan ni QC Mayor Joy Belmonte ang buhay ng mga katulad kong maagap magbayad dahil sa ipinatupad nilang online or digital payment ng mga amilyar.

Mismong si Mayor Joy ang nagkumpirma na paiiralin na ang online payment sa mga real-estate tax at business permit payments sa pamamagitan ng QC Pay Easy program.

Magandang masubukan ang binabanggit ni Mayor Joy na E-Services website para makapagbayad ng amilyar na gamit ang credit card, Paymaya E-wallet o kaya fund transfer thru BPI, RCBC, Robinson’s Bank at Union Bank.

Nito lang isang linggo rin, ipinatupad na rin ni Business Permit, Licensing Division Chief Margie Santos ang door-to-door business permit delivery. Iyon tipong alias seniorito ka lang sa bahay mo, darating ang business permit na kailangan mo nang hindi ka na nakikipagsiksikan sa city hall.

Malaking bagay ang ginawang ito ng city hall, lalo na’t iniiwasan natin ang pagtumpukan ng mga tao sa iisang lugar. Konbinyente na, hindi ka namimiligrong mahawaan ng virus dahil nasa bahay ka lang pero tuloy ang transaksiyon mo sa lokal na pamahalaan.

Hindi ako masyadong panatiko ng online banking at mga online payment scheme dahil parang nasa akin pa rin ang “old school system” na may hard copy para sa filing ng mga dokumento ng pinagbayaran.

Pero dahil sa pandemya, nagustuhan ko na rin ang mga online transactions, lalo’t may ganitong sistemang pinaiiral ang liderato ni Mayor Joy na pabor sa aming mga maagap magbayad ng mga atraso sa local government.

Sobrang pinagaan n’yo ang buhay namin, thank you Kyusi!

Tama rin iyong binabanggit ng Swiss Ambassador na nasa mga news kailan lang, sobrang laki ng pag-asa ng bansa kung ang mga innovative leadership na katulad ng ginagawa ni Mayor Joy ang paiiralin saan man sulok ng Pilipinas.