Default Thumbnail

Mas mabigat na parusa laban sa mga isyung may kinalaman sa kuryente

January 13, 2024 Marlon Purification 137 views

Marlon PurificationTAMA ang hangarin ni Senador Win Gatchalian na magpataw ng mas mabigat na parusa laban sa mga manlalaro ng industriya na mapapatunayang nakagawa ng maling pamamahala sa mga bagay na may kinalaman sa kuryente na nagreresulta sa pagkalugi o economic loss.

“Iminumungkahi ko na, bilang bahagi ng aming legislative output, magpataw ng parusa na katumbas ng pagkalugi sa ekonomiya na nararanasan ng mga apektadong lugar dahil sa kapabayaan at kawalan ng kakayahan,” sabi ni Gatchalian.

Ang kanyang pahayag ay kasunod ng isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Energy hinggil sa pagkawala ng kuryente na dinanas ng Western Visayas sa loob ng ilang araw sa unang bahagi ng buwan, na kinasasangkutan ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at ang pagkabigo nitong maayos na tugunan ang problema.

“Hindi sulit ang maximum penalty na P50 milyon na ipinapataw ng Energy Regulatory Commission para sa anumang paglabag sa grid code ng bansa,” ani Gatchalian.

Ayon kay Gatchalian, seseryosohin ng NGCP ang mga isyu kung mas mabigat na parusa ang ipapataw sa anumang paglabag. Sinabi niya na ang pinagsamang pagkalugi sa ekonomiya mula sa pagkawala ng kuryente na natamo ng parehong lalawigan ng Iloilo at Iloilo City ay umabot na umano sa P5.7 bilyon.

“Malinaw, wala na ito sa normal na estado dahil nagkaroon na ng kakulangan sa suplay ng kuryente nang bumagsak ang isang planta ng kuryente pasado alas-12 ng tanghali noong Enero 2.

Tumaas ang demand na lumikha ng imbalance sa grid. Kapag negative margin ka, siguradong masisira ang grid niyan,” aniya. Sa mismong oras ng pagkagambala, ang rehiyon ay nagkaroon ng kakulangan sa kuryente na 55 megawatts o 15% ng kabuuang pangangailangan na dapat sana ay nag-udyok na agad sa NGCP na gumawa ng naaangkop na aksyon sa pamamagitan ng pagsunod sa protocol na itinalaga ng grid code, dagdag ng mambabatas.

Sinabi pa ni Gatchalian na kung kumilos na sana agad noon ang NGCP, maaaring hindi na nawalan ng kuryente ang buong isla, na sinang-ayunan naman ni ERC Chairperson Monalisa Dimalanta. Ani Dimalanta, noong nagkaroon na ng imbalance sa grid, ang estado ng kuryente noon ay nasa emergency o alert state na sa buong lugar.

Sinabi ni Gatchalian na dapat ay nakapagsagawa na ng manual load droppings ang NGCP upang mabawasan ang demand na maaaring makatulong sa pagpigil sa malawakang blackout sa Western Visayas.