Default Thumbnail

Martsang Paatras o Pasulong

September 24, 2022 Magi Gunigundo 537 views

Magi GunigundoPAGKARAAN ng 35 taon mula 1987, may mungkahing bumalik tayo sa 1935 Konstituyon. Ito ba ay martsang paatras o pasulong sa konteksto ng 21st siglo?

Sa pag-aaral ng kasaysayan, kailangan unawain ang sanhi at naging bunga ng pangyayari na patuloy na nakakaapekto sa atin ngayon at bukas. Ibang-iba ang konteksto ng tatlong konstitusyon
(1935,1973, at 1987) at dito tayo makakabuo ng intelihenteng pasya kung magiging “happy” tayo sa resulta ng mungkahi.

Ang 1935 Konstitusyon ay sinulat nang teritoryo pa ng mga Amerikano ang Pilipinas. Ang panimula o “preamble” nito ay nakasulat sa ikatlong persona ,“ the Filipino people.” Ang pambansang teritoryo ay lahat ng lupain na isinalin sa Estados Unidos ng Espanya sa ilalim ng Treaty of Paris noon Disyembre 10,1898 upang ipamukha sa mga Pilipino na binili ang Pilipinas ng mga Amerikano sa Kastila. Tanging mga lalake lamang na hindi bababa sa edad 21 años ang maaaring bumoto. Ang lehislatura ay may dalawang kapulungan. Mayroon 24 na Senador na binoboto ng sambayanan, at sila ay may termino na 6 na taon at maaaring mahalal muli. Mayroon 120 Kinatawan at ang termino nila ay 4 na taon at maaaring mahalal muli. Nag-uumpisa ang termino ng bagong halal sa Disyembre 30 pagkaraan ng halalan ng taong iyon at ang pagbubukas ng unang sesyon ng Kongreso ay nakatakda sa ika apat na lunes ng Enero. Ang Presidente ang punong ehekutibo at ang termino niya ay 4 na taon at maaaring mahalal muli ng isang beses. Wikang Ingles at Kastila lamang ang mga opisyal na wika. Inatasan ang Kongreso na magbuo at paunlarin ang isang pambansang wika batay sa mga katutubong wika ng mga Pilipino. Ang katipunan ng mga karapatan o Bill of Rights ay kinopya verbatim sa Konstitusyon ng Amerika. Si Claro M. Recto ang Presidente ng Kombensiyon na sumulat ng 1935 Konstitusyon.

Malaki ang pinagbago ng tayo ng Pilipinas sa mundo pagkatapos ng World War II. Naging isang ganap na bansa na tayo dahil sa Tydings-McDuffy Act. Tinawag na Pilipino ang pambansang wika na nakabatay sa wikang Tagalog. Maraming Pilipino na nakapag-aral sa Amerika bilang pensiyonado at Fulbright Scholars ang nagbalikan sa bansa at pina-iiral ang mga diwang natutunan nila sa Amerika para positibong mabago ang lipunan. Nagkaroon na rin tayo ng sariling kodigo sibil noon 1950 na angkop sa tradisyon at mithiin ng hustisya at , matapat at walang panlalamang na pakikipag-ugnayan. Samakatuwid, maraming kailangan baguhing probisyon sa 1935 Konstitusyon na napag-iwanan na ng panahon.

Pagkaraan ng 35 taon, naghalal ang taong bayan ng mga delegado sa 1970 Kombensiyon. Ang aking tatay ay nahalal na delegado ng ikalawang distrito ng Bulakan. Si dating Pangulo Carlos P. Garcia ang unang naging Presidente ng Kombensiyon, subalit di nagtagal ay napalitan siya ni dating Pangulo Diosdado Macapagal pagkaraan masawi si Garcia. Hindi pa tapos ang kombensiyon sa pagsulat ng bagong konstitusyon ng ideklara ang Martial law noon Setyembre 21, 1972 ng Pangulong F.E. Marcos Sr.

Ang Panimula ng 1973 Konstitusyon ay nasa unang persona na, ” we, the Filipino people.” Hindi na binanggit nito ang Treaty of Paris at tinukoy ang Pilipinas bilang isang arkipelago na sakop ng Pilipinas batay sa kasaysayan at titulo para mapalakas ang paghahabol sa pagbawi ng Sabah. Ang mga babae mula 18 taon gulang pataas ay maaari nang bumoto. Binuwag ang Senado at naging isang kapulungan ang lehislatura sa isang Batasang Pambansa na may 200 miyembro at hindi bababa sa edad 25 ang mga miyembro at magsisilbi ng 6 na taon bawat termino. Maliban pa sa Presidente ng bansa na hinahalal ng buong sambayanan, mayroon pang Prime Minister na tagapangulo ng kabinete. Hanggang walang batas, English at Pilipino ang mga opisyal na wika. Ang Batasang Pambansa ay inatasan itaguyod at pormal na itanghal ang isang pambansang wika na tatawaging “Filipino”
(pansinin ang baybay gamit ang letrang “ F”).

Pagkaraan ng 14 na taon, nagkaroon ng 1987 Konstitusyon na sinulat ng Komisyong Konstitusyonal na pinamunuan ni Mahistrado Cecilia Muñoz Palma. Unang Persona pa rin ang panimula. Ang pambansang teritoryo ay di lang ang buong arkipelago, kasama ang mga lupain , karagatan at himpapawirin nito. Naging dalawang kapulungan muli ang lehislatura sa pagbabalik ng Senado na may 24 na miyembrong binoboto ng lagom ng sambayanan. Hunyo 30 ang umpisa ng termino pagkaraan ng halalan sa ikalawang lunes ng Mayo. May limitasyon sa termino ng pagsisilbi ang mga Senador at Kinatawan ng Kapulungan. Wala ng Prime Minister. Anim na taon lang at hindi na maaaring ihalal muli ang Presidente. Pinagbawal ang dinastiyang pulitikal subalit pinaubaya sa Kongreso ang pagsasabatas ng kahulugan nito. Nagtatag ng Komisyon sa mga Karapatang Pantao. Ang pambansang wika ay Filipino at ang mga wika ng rehiyon ay mga pantulong na mga wikang opisyal sa mga rehiyon at magsisilbi na pantulong na mga wikang panturo roon.

AUTHOR PROFILE