MANGINGISDA SUMISID PARA SA TAHONG, NALUNOD
Kahit may sakit
NALUNOD matapos igupo ng karamdaman ang 48-anyos na mangingisda na pinilit pa ring sumisid upang mangalap ng tahong sa ilalim ng dagat, Sabado ng umaga sa Navotas City.
Sa ilalim na ng dagat natagpuan ng kaniyang mga kasamahan na nangunguha rin ng tahong si Allan Rondozo, residente ng 29 Int. Losmartires St., Barangay San Jose, matapos mawala sa kanilang paningin dakong alas-7:30 ng umaga sa karagatang sakop ng Bgy. Sipac Almazen.
Sa ulat na ipinadala ni P/SSgt. Edison Mata kay Navotas police chief P/Col. Allan Umipig, kasama ng biktima ang testigong si Ernie Bolante, 53, at iba pang mangingisda na pumalaot upang sumisid at manguha ng tahong, dala ang kani-kanilang gamit na pansisid na may oxygen tank.
Sinabi ni Bolante na napuna na nila na hindi maganda ang kondisyon ng katawan ng biktima kaya’t sinabihan nila na huwag ng sumama, subalit nagpumilit pa ring manguha ng tahong.
Hindi pa nagtatagal ay napuna nilang nawawala na si Rondozo kaya’t naalarma na sila at sinisid ang ilalim ng dagat, kung saan nila nakita ang katawan nito sa ilalim na wala na ang gamit na oxygen.
Iniahon pa rin ng kaniyang mga kasama ang biktima at isinugod sa Navogtas City Hospital, subalit idineklarang patay na nang idating sa pagamutan.