Default Thumbnail

Sunog sumiklab sa Pritil Market, condo sa Binondo

April 29, 2023 Jonjon Reyes 293 views

HALOS maabo ang buong Pritil Market sa Tondo, Maynila matapos tupukin ng malakas na apoy, Biyernes ng gabi.

Wala nang nagawa ang mga vendors na may mga puwesto sa nasabing palengke dahil hindi nila nagawa pang maisalba ang kani-kanilang mga paninda at nakatagong puhunang pera dahil sa laki at bilis ng pagkalat ng apoy sa buong palengke.

Tinatayang aabot sa P110 milyon ang halaga ng pinsala sa huling pagtataya ng mga otoridad.

Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog bandang 9:43 ng gabi at umabot sa ikaapat na alarma.

Tumagal ang sunog ng ilang oras at idineklarang fire out bandang 7:58 na ng umaga ng Sabado, Abril 29.

Agad naman nagpakalat ng tauhan si P/Lt. Col. Rosalino Ibay Jr., commander ng Manila Police District (MPD) Raxabago Police Station 1 para sa seguridad at maiwasan ang pananamantala sa gitna ng sunog.

Patuloy na iniimbestigahan ng BFP ang insidente na sinasabing dahil umano sa faulty electrical wiring.

Naiulat din ang pagsiklab ng isang sunog nitong Sabado ng umaga (Abril 29) sa basement ng isang high rise condominium-commercial na gusali sa Divisoria sa Binondo.

Sa ulat ng MPD, bandang 9:30 ng umaga nang mangyari ang sunog.

Nagsimula ang sunog sa Mang Inasal fast food chain na nasa basement ng gusali sa C.M. Recto, kanto ng Juan Luna, Binondo, Maynila.

Umabot lamang sa unang alarma ang sunog na agad ding naapula ng mga bumbero at idineklarang fire out ng 10:17 ng umaga.

Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente at patuloy ang imbestigasyon ng mga pamatay sunog.

AUTHOR PROFILE