Allan

Mali ba ang Singapore sa pagkopo ng Taylor Swift concert?

March 13, 2024 Allan L. Encarnacion 95 views

HABANG nasa taxi ako late last year galing sa aking hotel sa Orchard Road papuntang Marina Bay Sands sa Singapore, natanaw ko ang napakalaking dome na parang kumakaway sa akin.

Tinanong ko ang taxi driver kung ano iyon: “That’s our National Stadium. You know, that roof can open and can close depending on the events,” sagot niya sa akin. Napa-wow lang ako sa pagkamangha.

Ang National Stadium na iyon ay pinaggaganapan ng football at rugby na may 55,000 crowd capacity, 52,000 kapag cricket, 50,000 kapag athletics.

Doon ginanap ang 6-day concert ni Taylor Swift. Nagmistulang converging points ng mga mamamayan ng Asian countries ang Singapore para panoorin ang concert mula Marso 2, 3 4 at Marso 7, 8 at 9. Dahil concert iyon at hindi kailangan ng football field, sakop ang kabuuan na malamang ay hihigit pa sa 55,000 ang audience.

Nasa sentro ngayon ng Asian news ang Singapore dahil sa “pagkopo” sa Taylor Swift concert. Ang sinasabing Asian concert tour dapat ng singer ay naging pure Singapore concert tour para sa anim na araw.

Mali ba ang Singapore government sa kanilang “lock in contract” kay Taylor Swift? Ang sagot ay hindi po, walang maling ginawa ang Singapore at wala silang illegal na ginawa.

Ang transaksiyon sa pagitan ng road manager ni Taylor Swift, ng private concert contractor at Singapore Tourism Board ay isang henyong sistema na dapat matutunan ng Asean countries, lalo na ng Philippine government.

Sa 6 days concert ni Swift, inaasahang kikita ang Singapore ng hindi bababa sa US$400 million. Malaking boost sa kanilang maunlad nang ekonomiya at nagbigay pa ng trabaho sa kanilang mga mamamayan. Mismong si Prime Minister Lee Hsien Loong ang nagkumpirma na strategy nila iyon para maka-rekober ang kanilang bansa sa epekto ng tatlong taong pandemic na walang turista at walang kita ang pamahalaan mula sa negosyo at turismo.

Ayon kay Prime Minister, ang transaksiyon ay walang anumang intensiyon laban sa kahit kaninong bansa dahil ito ay sa pagitan lang ng Swift team, concert management at Singapore tourism board. Tinanggap ng Swift team ang lahat ng offer ng Tourism board kaya nagsara ang ganoong exclusive contract.

Sabi nga, at the end of the day, desisyon pa rin ng Swift team yun kung gusto nila ang lock in contract.

Kasama siyempre sa kontrata ang pagtanggap ng Singapore sa buong Taylor Swift team, mula sa hotel accommodation, limo service, security, food at pati na ang buong equipment na gagamitin sa concert.

Karaniwan sa mga international concert na ginanap dito sa Pilipinas, limited lang ang puwedeng isama sa production team. Kaya nga madalas, nagpapa-audition pa ang concert handler para maging backup dancers, backup singers, technical people at iba pang puwedeng ma-outsource. Kahit mga concert equipment, iyong ibang concert management nag-aarkila na dito kaysa kumuha ng eroplanong mag-charter sa mga kagamitan ng artists. Malaki kasing katipiran sa budget kapag ganoon kaysa dalhin ang buong team at equipment mula sa Amerika papunta sa host country.

Halimbawang ang alok ng Singapore ay dalhin ni Swift ang kanyang buong team at sila pa ang mag-charter ng kanilang mga equipment at on top of talent fee ay may percentage share income pa sila sa ticket sales, paano mong tatanggihan iyon?

Natural na bago sila pumayag napakagandang alok ng Singapore goverment ay nag-compute na rin ang Swift team kung halimbawang 2 days sila sa Singapore, 2 days sa Thailand at 2 days sa Pilipinas. Baka sa kuwentada nila, sa talong bansang pupuntahan nila, offset na lahat at may patong pa kung sa Singapore na lang sila mag-lock in, mas bawas pa ang travel fatigue.

Sa halip na magmaktol ang mga Asian countries laban sa Singapore, dapat ay matuto na lang tayo sa kanilang ginawa dahil kanya-kanyang abilidad ng pagbebenta ng bansa yan kung paano kikita sa pamamagitan ng pag-engganyo sa mga turista.

Hindi tayo naisahan ng Singapore, natutulog lang kasi tayo sa pansitan.

[email protected]