Edd Reyes

Mahigpit na pagpapatupad sa batas, susi sa wastong disiplina

March 13, 2024 Edd Reyes 75 views

PALAGING sinisisi ang kawalan ng disiplina ng mga motorista sa problema ng masikip na daloy ng trapiko at mga aksidente sa lansangan na nagreresulta sa pagkasawi o malubhang pagtatamo ng pinsala sa katawan ng mga nasasangkot.

Hindi ko ito kokontrahin dahil totoo naman na ang kawalan ng disiplina ng mga motorista ang dahilan upang lumala ang problema sa daloy ng trapiko, magkaroon ng aksidente sa lansangan at pati na rin sa pagkakaroon ng marahas na pag-uugali ng ilang motorista na humahantong sa pananakit o pagpatay sa kapuwa o yung tinatawag na road rage incident.

Sa totoo lang, marami rin kasiing mga pulis at traffic enforcer ang walang disiplina at sumasalungat sa daloy ng trapiko, hindi gumagalang sa traffic signat, at iba pang paglabag dahil ang alam nila, walang maglalakas-loob na sumita sa kanila.

Numero uno rin sa kawalan ng disiplina sa pagmamaneho ang mga nagmomotoriklo, tricycle at e-bike drivers, at maging mga pampublikong sasakyan na kung saan-saan lang humihinto para magsakay o magbaba ng pasahero.

Pero naniniwala ako na ang kawalan ng disiplina sa lansangan ay hindi lang kasalanan ng mga motorista kundi kakulangan din ng pagpapatupad ng batas-trapiko o yung tinatawag na “enforcement”.

Isang halimbawa rito ang pagbaba ng bilang ng mga hindi awtorisadong dumaan sa EDSA bus way na dati ay isang katerba pero nang pairalin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mahigpit na pagpapatupad ng batas, iilan na lang ang lumalabag.

Kaya kung mahigpit lang ang ipinatutupad na batas-trapiko ng mga traffic enforcers at pulis dito sa Metro-Manila, tiyak na kasunod na nito ang wastong disiplina ng mga motorista tulad ng kanilang disiplina sa pagmamaneho kapag nasa ibang bansa o kahit sa loob ng Subic Bay Freeport sa Zambales.

Pagbaha sa Navotas, nilutas ng mga bombastik pumping stations

SINONG negosyante ang maglalakas-loob na mamuhunan ng negosyo sa isang lungsod na lumulubog ang mga kalsada tuwing tag-ulan?

Ganyan ang nangyayari noon sa Navotas City kahit pa nga kilala bilang Fishing Capital ng bansa dahil sa kanilang Fishport Complex ibinabagsak ang halos isang libong tonelada ng mga huling lamang dagat araw-araw na sapat para sa seguridad ng pagkain sa malaking bahagi ng Luzon.

Pero sa paglipas ng panahon, umusbong ng unti-unti ang iba pang negosyo sa Navotas City, matapos malutas ng magkapatid na Mayor John Rey Tiango at Cong. Toby Tiangco ang problema sa baha sa pamamagitan ng paglalagay ng isang katerbang pumping station.

Sa katunayan, 72 na ang “bombastik” pumping stations sa lungsod, matapos ang inagurasyon ng tatlo pa sa Judge Roldan St. sa Brgy. San Roque, sa Brgy. Daanghari at sa Maliputo St. sa Brgy. North Bay Blvd-South Dagat-dagatan na pinangunahan nina Mayor John Rey at Cong Toby Tiangco

Unang sinimulan ni Cong. Tiangco ang paglalagay ng mga pumping stations sa mga lugar na malimit binabaha na dinagdagan pa ni Mayor John Rey kaya wala ng lansangan sa lungsod ngayon ang lumulubog sa baha sa tuwing tag-ulan.

May pakiusap naman si Cong. Toby sa kanyang mga kababayan na pangalagaan ang mga pumping stations sa pamamagitan ng pagiging responsable sa pagtatapon ng kanilang basura para hindi bumara sa mga bombastic.

Dahil wala ng baha, kanya-kanya ng diskarte ang mga nagnanais na maglagak ng puhunan sa Navotas City lalu na’t dito ang magiging daan patungo sa itinatayong modernong paliparan sa Bulacan at ng Airport Support Services bukod pa sa mga housing projects at iba pang negosyo.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE