Vargas

Magkapatid na Vargas, nakatanggap ng ‘death threat’

May 3, 2022 Ryan Ponce Pacpaco 156 views

NAKATANGGAP ng death threat ang magkapatid na Alfred at PM Vargas ng District 5 ng Quezon City Lunes ng tanghali.

Dalawang pirasong bala ng M-16 rifle ang ipinadala sa kanilang opisina sa Novaliches District Center.

Sa salaysay ni PM Vargas na ngayon ay tumatakbo sa pagka-kongresista sa nasabing distrito, “Makikitang dineliver ang pakete ng rider eksakto 1:25 p.m. kahapon (Lunes). Ito ay isang kahon na naka-address sa akin. Dalawang pirasong bala ng M-16 ang laman. Maliwanag na ang intensiyon ng nagpadala ay para takutin kami at ang aming pamilya.”

Ayon naman sa kuya nitong si Cong. Alfred Vargas, “Ngayon ay nahaharap kami sa ganitong klase ng death threat na tinaon pa sa dulo ng kampanya. Nananawagan kami sa aming pamilya, mga kaibigan, at supporters na samahan niyo kaming maging vigilant sa lahat ng uri ng kasamaan, pananakot at pandaraya na ginagawa ng ating mga kalaban ngayong eleksyon.”

Inilahad pa ng incumbent congressman na apat na beses na silang hinikayat na umatras sa laban kung saan daan-daang milyong piso ang naging alok sa kanilang magkapatid.

“Hindi tayo magpapatinag kahit anong pananakot pa ang gawin nila sa atin,” aniya.

Kakasilang pa lang ng unang anak ni PM Vargas nitong Abril kaya naging emosyonal ang pulitiko para sa seguridad at kapakanan ng pamilya.

“Hindi po natin hahayaang dumanak ang karahasan lalo na’t buhay ng aking pamilya ang nakataya sa usaping ito,” ayon sa kanyang pahayag.

Nanawagan naman si Alfred Vargas sa kanilang mga ka-distrito na protektahan ang kanyang bunsong kapatid at bantayan ang boto ng bawat Novalenyo.

“Hahayaan ba ninyong sirain ng mga dayo nang ganon-ganon na lang at pagharian ng kadiliman ang Novaliches? Walang puwang sa District 5 ang mga nagsisiga-sigaang sindikato para makuha lang ang kanilang gusto. Habang papalapit na ang araw ng eleksyon, samahan niyo po kaming protektahan ang ating boto. Tumayo po tayo sa likod ni PM. Let us all stand together to protect PM and District 5,” tugon ni Vargas.

AUTHOR PROFILE