Default Thumbnail

Mag-aama todas sa pananambang sa Datu Hoffer

March 28, 2023 Zaida I. Delos Reyes 213 views

TATLONG miyembro ng isang pamilya kabilang ang dalawang menor de edad ang nasawi habang sugatan naman ang dalawa pa matapos na ratratin ng bala ng hindi pa nakikilalang mga suspek nitong Lunes ng gabi sa Datu Hoffer, Maguindanao del Sur.

Dead on the spot ang isang 8-buwang gulang na sanggol habang nasawi habang isinusugod sa pagamutan ang kanyang ama at kapatid niyang 3-anyos.

Sugatan naman at patuloy na inoobserbahan sa pagamutan ang ina ng sanggol at 13-anyos na anak nito.

Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, ang insidente ay naganap dakong 7:00 ng gabi sa Sitio Bagurot, Barangay Tuayan.

Papauwi na umano ang mga biktima lulan ng isang tricycle nang paulanan ng bala ng mga suspek.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang mga suspek habang isinugod naman sa pagamutan ang mga biktima subalit tatlo sa kanila ang binawian ng buhay.

Clan war o “rido” ang tinitignang dahilan ng mga imbestigador sa naganap na pananambang.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa karumal-dumal na krimen.