Francisco Pinangunahan nina MPD Director PBGen. Leo M.Francisco at MPD PIO Chief PCAPT. Philipp Ines ang pagluluto at pagpapakain sa mga batang Maynila kasama si Kim Ortiz ng Zitro Jaca Event and Catering Service. Kuha ni JON-JON REYES

‘Lutong Pulis Maynila para sa mga Batang Maynila’

September 7, 2021 Francis Naguit 499 views

PINANGUNAHAN nina MPD Director PBGen. Leo M. Francisco at MPD PIO Chief PCapt. Philipp Ines ang pagluluto ng pagkain at pamamahagi para sa mga mamamayan ng Maynila, Sabado ng umaga.

Kasama sa paghahanda ng pagkain sina Kim Ortiz ng Zitro Jaca Event and Catering Service. Tumulong rin ang mga operatiba ng Special Weapon and Tactics at DMFB ng MPD.

Inikot ng mga operatiba ang paligid ng MPD Headquarters, ang kahabaan ng Roxas Blvd at Kalaw sa Ermita, Manila upang mamahagi ng pagkain sa mga street sweeper,mga bata at maging ang mga matatanda.

Lahat ng kanilang nadaanan ay inabutan nila ng pagkain. Sumakay ang mga operatiba sa mobile ng SWAT at DMFB ng MPD.

“Sa mga pamamaraan na tulad nito, maaalis natin sa kaisipan ng mga mamamayan at maging sa murang isip ng mga bata na matakot sa pulis. Na kami bilang mga kawal ay tagapamayapa at nag-eexist para proteksyunan at gabayan ang lahat. Layon din naming pakainin at siguraduhing malusog ang bawat mamayan sa Maynila,” ayon kay Capt. Ines.

“Sa pamamagitan ng personal na pagluluto ng almusal at pananghalian ay maipakita natin sa mga matatanda lalo na sa mga bata kung gaano natin sila pinahahalagan bilang susunod na tagapagtaguyod ng bayan,” dagdag ni Capt. Ines.

Ayon naman kay MPD Director PBGen. Leo M. Francisco, bilang ama ng hanay ang punong taga timon ng Pulis Maynila, “patuloy kaming nag-iisip ng iba’t ibang bagay kung paano ang aming presensya ay magiging biyaya sa iba sapagkat kami ay PNP — Pulis Nyo Po, Pulis Ng Pilipino.”

Nagparating naman ng pasasalamat at pagbati si Manila Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso sa mga kapulisan ng MPD.

“Isang pagpupugay sa buong Manila Police District na katuwang namin sa pagbibigay ng pag-asa sa bawat Manileno ngayong panahon ng pandemya! Sila po ay nag-ikot dito sa ating lungsod upang mamahagi ng food packs bilang bahagi ng kanilang random act of kindness.

Mabasa sana kayo ng ulan para dumami pa kayo na maghahatid ng kabutihan sa mamamayan. Manila’s Finest,” pahayag ni Mayor Isko. Nina FRANCIS NAGUIT & JON-JON REYES

AUTHOR PROFILE