Default Thumbnail

LTO sinuspinde lisensiya ng Cainta ‘road rage’ driver

February 23, 2023 Jun I. Legaspi 270 views

AGAD sinuspinde ng 90-araw ng Land Transportation Office (LTO) ang professional driver’s license ng driver ng Mitsubishi L-300 van na nasangkot sa “road rage” sa Cainta, Rizal na nag-viral sa social media.

Ayon sa LTO Intelligence and Investigation Division (IID) ang suspension order ay aprobado ni Transportation Assistant Secretary at LTO Chief Jose Arturo “Jay Art” Tugade ayon na rin sa rekomendasyon ni IID Officer-in-Charge (OIC) Renante Melitante.

Ayon sa inbestigasyon, nakitaan ng mabigat na batayan at pananagutan ang driver sa nagyaring road rage.

Kaugnay nito, muling nagpaalala si Tugade sa kahalagahan ng disiplina sa kalsada sa lahat ng pagkakataon upang maiwasan ang mga aksidente o hindi magandang insidente.

Iginiit pa ni Tugade na ang driver’s license sa pagmamaneho ay isang “privilege” na dapat ay nirerespeto at iniingatan ng mga drivers.

Sinabi Melitante, na binigyan ng limang araw ang tsuper ng L-300 van gayundin ang naka-alitan nitong motorcycle rider upang magsumite ng kanilang position paper o paliwanag kung bakit hindi sila dapat managot sa kasong administratibo kabilang ang Reckless Driving na paglabag sa Section 48 ng Republic Act 4136 at Obstruction of Traffic alinsunod sa Section 54 ng nasabing batas.

Pinagpapaliwanag din ang dalawang drayber kung bakit hindi dapat matanggalan ng driver’s license ang mga ito dahil sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle na nasasalig sa Section 27a ng RA (Republic Act) 4136.

“In addition, the registered owner of the subject motor vehicle (L-300 van) is hereby directed to bring [it to] LTO North Motor Vehicle Inspection Center for inspection,” ayon pa sa kautusan.

AUTHOR PROFILE