Default Thumbnail

LTO-NCR West nagbabala sa ‘isnaberong’ taxi drivers

April 10, 2023 Jun I. Legaspi 346 views

NAHAHARAP sa multang P5,000 hanggang P15,000 o pagkatanggal ng prangkisa ang sinumang taxi driver na mahuli na tumangging magsakay ng pasahero.

Ang babala ay sinabi ni Land Transportation Office-National Capital Region West (LTO-NCR West) Director Roque I. Verzosa III matapos ianunsiyo na mas pinaigting pa nila ang “Oplan Isnabero” ngayong linggo upang harapin ang mga driver na “isnabero” at “bastos” lalo ngayong panahon na libo-libong mga pasahero ang bumabalik sa Metro Manila matapos ang tradisyunal na Holy Week o Semana Santa.

Ayon kay Verzosa na ang mga kawani ng rehiyon ay pinag-utos na higit pang paigtinging ang ipatupad ang “Oplan Isnabero” mula Abril 11 hanggang 14, 2023.

Ibinaba ang direktibang ito sa pamamagitan ng Regional Office Order No. 54 na kanyang nilagdaan noong Marso 22. Layunin ng operasyon na hulihin ang mga taxi driver na tumatanggi o pumipili ng pasahero sa kanilang pag-uwi mula sa mga bus station pagkatapos ng mahabang bakasyon sa kanilang mga probinsiya.

Paalala ni Verzosa sa mga taxi driver na “seryosohin” ang kanilang responsibilidad sa publiko bilang tugon sa kahilingan ng serbisyo sa transportasyon ngayong mga holiday.

Binigyang-diin niya na dahil sa dumaraming bilang ng mga biyahero at commuters na nangangailangan ng pampublikong transportasyon upang makarating sa kanilang mga destinasyon, hindi tatanggapin ang anumang uri ng pagsasawalang bahala sa mga pasahero. Binalaan niya na sinumang nahuling gumagawa ng maling gawain ay papatawan ng multa at hinimok sila na tigilan ang ganitong asal.

“The program ‘Oplan Isnabero’ will resume from April 11 to April 14, where LTO enforcers will be stationed at bus terminals to ensure that drivers who refuse to take passengers will be penalized,” ani Verzosa.

“Sisiguraduhin namin na mapaparusahan ang mga taxi drivers na tatanggi magsakay ng pasahero, at lalo pang pinaigting ng agency ang kampanya,” dagdag niya.

Ayon sa Joint Administrative Order No. 2014-01, sinabi ng LTO-NCR West chief na ang “Refusal to render service to the public or convey passengers to their destination” ay may multa mula P5,000 hanggang P15,000. Bukod dito, maaari ding mawala ang Certificate of Public Conveyance (CPC) ng nangangalakal.

Sinabi ni Verzosa na ang operasyon upang hulihin ang mga taxi driver na tumatanggi o pumipili ng pasahero ay sa ilalim ng gabay at mga instruksyon ng LTO chief na si Assistant Secretary Jose Arturo “Jay Art” Tugade.

Ayon kay Verzosa, bukod sa pagsasakatuparan ng “Oplan Isnabero” sa iba’t-ibang mga terminal ng bus sa kalakhang Maynila, naghahanda rin ang LTO-NCR West para sa pagdating ng libo-libong motorista na bumalik sa Metro Manila matapos ang pagdiriwang ng Semana Santa sa mga probinsya.

Noong nakaraang linggo pa lamang, “all hands on deck” na ang mga tauhan ng LTO-NCR West para sa “Oplan Biyaheng Ayos: Oplan Semana Santa and Summer Vacation 2023.”

Upang masiguro ang kaligtasan ng mga commuter at motorista na naglalakbay mula at patungong probinsiya, itinuturing sa mataas na alerto ang ahensiya ng gobyerno mula Marso 31 hanggang Abril 10.

AUTHOR PROFILE