Tugade

LTO chief muling nagbabala vs ‘fixers’

April 15, 2023 Jun I. Legaspi 256 views

MULING nagbabala si Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary at Land Transportation Office (LTO) Chief Jay Art Tugade sa publiko na iwasang ang pakikipagtransaksyon sa mga “fixer” na sa halip na makabuti ay maaaring magdulot ng problema o sila’y mabiktima at maging mitsa rin ng buhay ng tao.

Babala ito ni Tugade kasunod ng pagkakaaresto sa mga umano’y fixer sa magkahiwalay na insidente sa Iloilo City at sa Oas, Albay.

“It seems these fixers are really desperate for money. Admittedly, life is still hard, especially [since many] are still recovering from the economic effects of the pandemic, but it is never, and will never be, enough reason to engage in criminal acts such as fixing. There will be consequences, and at the LTO, we will make sure that illegal activities such as fixing will be dealt with severely according to our laws,” pagbibigay-diin ni Tugade.

Kamakailan ay naaresto ang ilang suspek sa magkahiwalay na entrapment operations na isinagawa ng mga LTO regional office at law enforcement official sa Iloilo at sa Bicol.

Dinakip ng LTO Region 6 katuwang ang mga tauhan ng San Rafael Municipal Police Station (MPS) sa Iloilo, ang suspek na iniulat na opisyal ng barangay sa Barangay Ilongbukid sa San Rafael, Iloilo. Ang pag-aresto sa suspek ay may kaugnayan sa pagbebenta umano nito ng pekeng driver’s license sa mga residente at tauhan ng barangay sa halagang P5,650.

Sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act (RA) 11032 o ang “Ease of Doing Business Law” at ang ilang bilang ng falsification of public documents alinsunod sa Revised Penal Code (RPC) at Usurpation of Authority, laban sa suspek gayundin ang kanyang kasabwat na umano’y nagtatrabaho sa LTO Central Office sa Quezon City, sa Iloilo Provincial Prosecutor’s Office sa Jaro, Iloilo City.

Sa Bicol naman, nahuli ng joint team ng LTO Region 5 at Albay Provincial Field Unit (PFU) at Oas MPS ang suspek na nagpanggap na empleyado ng LTO ngunit kalaunan ay natukoy na isang volunteer traffic enforcer ng Oas Anti-Crime & Community Emergency Response Team (ACCERT). Sinubukan umano ng suspek na mangikil ng P7,500 sa complainant kapalit ng agarang pagproseso ng driver’s license application ng sinasabing biktima.

Nakapiit na ngayon ang suspek sa Criminal Investigation and Detection Group-Albay PFU at nahaharap sa kasong estafa dahil sa paglabag sa Article 315 ng RPC.

Pinuri naman ng LTO chief ang agarang aksyon ng mga opisyal ng LTO Ligao District Office sa pamumuno ni LTO Region V Director Francisco Ranches Jr. at Assistant Regional Director Vincent Nato gayundin ang LTO Region VI officials sa pangunguna nina Regional Director Eric Lenard Tabaldo at Assistant Regional Director Atty. Gaudioso Geduspan II, at ang PNP (Philippine National Police) sa matagumpay na pagdakip sa mga suspek.

“Tuloy-tuloy po ang kampanya ng LTO laban sa mga ‘fixer’ sa buong bansa at higit na palalakasin hanggang sa tuluyang masawata. Muli ay ang aming apela sa publiko na huwag nilang tangkilikin ang alok na serbisyo ng mga ‘fixer’ dahil malinaw na iligal ito. Mayroon tayong tamang proseso at huwag idaan sa ‘shortcut’ dahil buhay ang malalagay sa panganib kung walang tamang kaalaman sa pagmamaneho at lansangan ang mabibigyan ng driver’s license,” saad ni Tugade.

AUTHOR PROFILE