Default Thumbnail

LTFRB, DOTr nakaalerto para sa ‘Oplan Biyaheng Ayos’

April 6, 2022 Jun I. Legaspi 427 views

MAGPAPATUPAD NG heightened alert ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) mula sa Biyernes, Abril 8 hanggang 18, 2022, bilang suporta sa “Oplan Biyaheng Ayos: Summer Vacation 2022” ng Department of Transportation (DOTr) upang masiguro ang kaligtasan ng mga biyahero, ayon sa awtoridad.

Ayon sa direktiba ni DOTr Secretary Art Tugade, inatasan ni LTFRB Chairman Martin B. Delgra III ang lahat ng pinuno ng ahensiya sa pangunguna ni Executive Director Kristina Cassion, mga hepe ng Central Office at Regional Directors sa buong bansa na makipagtulungan sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno upang matiyak ang kaligtasan at seguridad sa lahat ng mga pasahero lalo na ang mga pauwi ng probinsiya at tiyakin ang pagsunod ng mga bus terminals sa mga alituntunin ng LTFRB kung saan inaasahan ang matinding pagdagsa ng mga pasahero dahil sa Semana Santa.

Sa Metro Manila, ilang mga terminal na maaaring puntahan ng pampublikong mananakay ay ang Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX) 1 Kennedy Road, Tambo, Parañaque City; Santo Rosa Integrated Terminal (SRIT) SM City Sta. Rosa, Sta. Rosa, Laguna; North Luzon Express Terminal (NLET) Philippine Arena Compound, Bocaue, Bulacan; at Araneta Terminal Center Times Square Ave, Cubao, Quezon City.

Maaari lang puntahan ang mga private terminals ng mga bus operators mula 10:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga alinsunod sa bagong “Window Scheme” na pinapatupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Magsasagawa din ang LTFRB ng random na inspeksiyon sa mga bus bilang bahagi ng pagtiyak sa “road worthiness” ng mga sasakyan at kaligtasan ng mga pasahero.

Maglalagay din ng mga “Malasakit Help Desk” na maaaring pagtanungan o pagsumbungan ng mga pasahero.

Ipoposte ang mga Malasakit Help Desk sa mga naitalagang Integrated Terminal Exchange na nauna nang nabanggit at sa mga lugar malapit sa mga pribadong terminals.

Pinanatili din ang health and safety protocol upang makaiwas sa COVID-19 – sa lahat ng terminals upang lubusan maging ligtas ang lahat ng pasaherong babyahe.

AUTHOR PROFILE