Default Thumbnail

Lolong mangangalakal, natagpuang dedo sa simbahan sa Tondo

January 20, 2023 Jonjon Reyes 244 views

ILANG hakbang na lamang bago makapasok ng gate ng Immaculate Conception Parish ang isang 60-anyos na lolo, nang hinihinalang bumigay ang katawan nito sa panulukan ng Tayuman at Katamanan Streets sa Tondo, Maynila Biyernes ng umaga.

Nakilala ang biktima na si Armando Absalon, walang tiyak na tirahan sa lungsod.

Batay sa isinumiteng ulat ni Det. Zoilo Nazario kay Police Captain Dennis Turla, hepe ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, bandang 10:15 ng umaga (Enero 20), nang ireport ng isang concerned citizen ang insidente, makaraang matagpuan ang lolo na nakatalungko sa gilid ng bangketa sakop ng Barangay 253, Tondo.

Agad nitong ipinagbigay alam sa Tayuman Police Community Precinct (PCP) sakop ng MPD Jose Abad Santos Police Station (PS) 7.

Dahil dito, agad na kinordon ang area, kasama ang Forensic Unit, nang magresponde si Nazario at ilang tauhan ng MPD Homicide Section.

Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na ang biktima ay may sakit na tubercolosis diumano at maaaring napapala dulot ng malamig na panahon.

Ang bangkay ng lolo ay pansamantalang inilagak sa Cruz Funeral Morgue para sa kaukulang awtopsiya.

AUTHOR PROFILE