Default Thumbnail

Manila seniors libre entrance sa Manila Zoo tuwing Miyerkules

January 20, 2023 Edd Reyes 210 views

KARAGDAGANG benepisyo ang matatamasa ng lahat ng mga may edad na residente ng Lungsod ng Maynila matapos magpasa ng ordinansa ang Sangguniang Panglungsod (SP) na nagkakaloob ng libreng pagbisita o pagpasok nila sa loob ng Manila Zoo.

Nilagdaan kamakailan ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan ang Ordinance No. 8905, Series of 2023, na ang pangunahing may akda ay si Councilor Louisa Marie “Lady” Quintos-Tan ng ika-apat na Distrito, kasama ang lahat ng mga konsehal ng lungsod, na layuning pagkalooban ng libreng pagpasok ang lahat ng mga matatanda sa Maynila na humahawak ng senior citizen card sa loob ng Manila Zoo tuwing araw ng Miyerkules.

Ipinaliwanag ni Konsehal Lady Quintos-Tan na ang pagkakaloob ng “kapangyarihan” sa mga senior citizens ay isa sa mga pangunahing layunin ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila dahil mahalaga sa kanilang kalusugan at kagalingan na lumahok sa mga aktibidad upang panatilihin silang nakatuon sa mga gawaing panlipunan.

Naniniwala rin si Atty. Lady Quintos-Tan na ang kalidad ng buhay at pangkalahatang kagalingan ng mga matatanda at nagiging makabuluhan at napapabuti sa pamamagitan ng paglahok sa mga nakalilibang na aktibidad tulad ng pagtungo sa mga lugar tulad ng Manila Zoo.

Sinabi naman ni Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto na ang libreng pagpasok sa loob ng Manila Zoo tuwing araw ng Miyerkules ay isa lamang sa napakaraming benepisyong tinatanggap ng mahigit 201,000 na senior citizens sa Lungsod ng Maynila.

Ang ilan pa sa mga benepisyong tinatamasa ng mga senior citizen sa lungsod ay ang libreng panonood ng sine tuwing araw ng Lunes, Martes, at Huwebes sa lahat ng sinehan sa Maynila, libreng cake tuwing sasapit ang kanilang kaarawan, libreng serbisyong medikal at laboratory test sa lahat ng mga ospital na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan at mga healthcare facilities sa lungsod, libreng bakuna, walang bayad na pagparada sa mga malls sa lungsod at ang P500 buwanang allowance bagama’t para lamang ito sa mga rehistradong botante na naninirahan sa Maynila.

AUTHOR PROFILE