Kulong

Lolo arestado sa 3 kaso ng gahasa

August 26, 2023 Jonjon Reyes 378 views

SIGURADONG sa kulungan na lamang magpapahinga ang isang 63-anyos na lolo, matapos ang halos anim na taong pagtatago sa batas dahil sa kaso nitong three counts ng rape sa Eastern Visayas, nang matunton ito sa Isla Puting Bato sa Tondo, Manila, ayon sa ulat ng pulisya.

No bail ang inirekomenda ni Bienvenido Montalla, presiding judge ng Regional Trial Court Branch 16 ng Naval, Biliran, noong August 30, 2017, dahil sa kasong three counts ng panggagahasa.

Ayon sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Restito Acohon, commander ng Manila Police District-Delpan Police Station 12, bandang 2:30 ng hapon nitong nakaraang Huwebes nang makipagtulungan ang grupo ng Kawayan Municipal Police Station, Biliran ng Police Regional Office 8 sa tanggapan ni Acohon para arestuhin ang suspek na nakilalang si Lolo Gonzalo, matandang binata at kabilang sa talaan ng most wanted sa kanilang lalawigan.

Dahil dito, pinangunahan ni Police Captain Marvin Manalo ng Warrant and Intel Section ang pag-aresto sa salarin sa Purok 5, Isla Puting Bato, Parola Compound na sakop ng Tondo.

Ang akusado ay may nakabinbing kaso ng three counts ng panghahalay mula sa hindi na pinangalanang biktima sa Eastern Visayas. Bitbit ang warrant of arrest na isinilbi sa kanya ng mga operatiba kaya’t hindi na nito nagawang pumalag nang posasan at kusang loob na lamang na sumama sa mga awtoridad.

AUTHOR PROFILE