NAGBIGTI

NABUKING NA MAY KABIT, NAGBIGTI!

August 26, 2023 Jonjon Reyes 469 views

SINASABING may bagong babae ang isang 35-anyos na seaman na nadiskubre umano ng kanyang kasintahan, kaya nagawa umanong magpakamatay ng lalaki Sabado ng umaga sa kanyang tinutuluyang silid sa San Diego Street, Sampaloc, Manila.

Ang tubong Negros Occidental na seafarer ay natagpuang nakabigiti ng kanyang 26-anyos na kasintahan bandang 7:07 ng umaga.

Nauna rito, sa salaysay ng nobya ng lalaki, nabalitaan umano nito na may ibang nobya na ang biktima.

Dahil dito, kinumpronta niya ang biktima pero mariing itinanggi ito ng lalaki at sinabihan niya ang biktima na maghiwalay na lamang sila.

Kinabukasan ay nakita na lamang ng dalaga na nakabigti ang kasintahan.

Agad namang itinawag ng mga barangay tanod sa opisina ni Police Lieutenant Colonel Wison Villaruel, commander ng Manila Police District (MPD)-Sampaloc Police Station 4, ang insidente.

Dahil dito, iniutos ni Villaruel sa kanyang mga tauhan na ikordon ang lugar at saka itawag sa opisina ni Police Captain Dennis Turla, hepe ng MPD-Homicide Section, na kaagad inatasan si Police Master Sargent Boy Niño Baladjay na hawakan ang kaso.

Ang labi ng biktima ay pansamantalang inilagak sa Body and Light Funeral Morgue para sa kaukulang awtopsiya.

AUTHOR PROFILE