Default Thumbnail

Lalaki,18, pinatay sa bahay ng kaibigan

December 6, 2021 Melnie Ragasa-limena 379 views

PATAY ang isang 18-anyos na lalaki nang barilin sa ulo sa loob mismo ng tahanan ng kaniyang kaibigan na dinalaw sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City, nitong Linggo ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Val Matthew Palasol, 18, may live-in partner, walang trabaho at residente ng Kangkungan St., Barangay Pasong Tamo, QC.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 10:00 ng gabi (December 5), ng maganap ang insidente sa loob ng 38 Calamansi St., Area 7B, Barangay Pasong Tamo, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni PCPL Jerome Mendez ng CIDU, pumunta umano si Palasol sa bahay ng barkadang si Gerald Arsua upang bisitahin ito.

Pero ilang minuto lang ang nakalilipas nang biglang pumasok ang isang hindi kilalang lalaki na armado ng baril at walang sabi-sabing pinaputukan sa ulo ang biktima.

Nang duguang bumagsak ang biktima ay kaswal na naglakad ang suspek papatakas habang bitbit ang armas na ginamit sa pamamaslang.

Agad na isinugod sa Quezon City General Hospital ang biktima subalit idineklara itong dead on arrival dakong 11:35 ng gabi ni Dr. Maureen Ramiterre.

Nakasamsam naman ang mga awtoridad ng isang fired cartridge case ng caliber 9mm.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa motibo ng pamamaslang upang matukoy ang salarin.