Default Thumbnail

Lalaki pinaulanan ng bala sa Taguig, patay

March 26, 2023 Edd Reyes 249 views

PINAGBABARIL ng nag-iisang salarin ang di pa kilalang lalaki habang sugatan naman ang pitong taong gulang na bata na tinamaan ng ligaw na bala Linggo ng umaga sa Taguig City.

Namatay kaagad ang biktimang nakasuot ng itim na long sleeved- shirt at maong pants. Isinugod naman sa Taguig-Pateros District Hospital ang batang lalaki (Joshua Martonia) na residente ng Purok 6 PNR Site, Western Bicutan sa Taguig-Pateros District Hospital upang malapatan ng lunas sa tinamong tama ng bala sa kaliwang pulso.

Sa inisyal na ulat na nakarating sa tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Kirby John Kraft, naglalaro ang bata sa tabi ng biktima dakong 7:30 a.m. sa Purok 9, PNR Site nang biglang sumulpot ang salarin na armado ng hindi pa batid na kalibre ng baril at kaagad na pinaputukan ng limang sunod ang lalaki.

Tumakas ang salarin patungo sa hindi nabatid na direksiyon makaraang ang pamamaslang.

Nagsagawa naman kaagad ng follow-up operation ang mga tauhan ng Taguig Police Sub-Station 6 subalit nabigo na silang makilala at madakip ang salarin.

Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga tauhan ng Taguig police upang alamin ang motibo sa naturang pamamaslang.

AUTHOR PROFILE