Posas

Lalaki pinagsasaksak kalive-in ng kapatid

January 2, 2024 Melnie Ragasa-limena 232 views

ARESTADO ang isang lalaki matapos umanong patayin sa saksak ang kinakasama ng kaniyang kapatid na babae nitong Lunes sa Quezon City.

Nahaharap sa kasong murder ang 29-anyos na suspek kaugnay sa pagkamatay ng biktimang si Nino Morales, 30-anyos.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, nangyari ang pananaksak sa kahabaan ng Sto. Nino Street sa Barangay San Antonio.

Ayon sa pulisya ay nakikipagkuwentuhan ang biktima sa isang kaibigan sa nasabing lugar bago mag-alas otso ng gabi nang dumating ang lasing na suspek.

Sa hindi pa mabatid na dahilan ay bigla na lang umanong kinompronta ng suspek ang biktima.

Naawat naman umano ang dalawa at naiuwi ang suspek sa kaniyang tahanan. Ngunit makalipas ang ilang minuto ay bumalik ito na may hawak na patalim.

Agad umanong sinaksak ng suspek ang biktima na tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Naaresto ang suspek ng mga barangay public safety officers.

Isinugod naman ang biktima sa Quezon City General Hospital ngunit idineklara itong dead on arrival.