Default Thumbnail

Lalaki nasagasaan ng pampasaherong jeep, dedo

April 27, 2023 Edd Reyes 186 views

NAWALANG ng kontrol sa manibela ang driver ng pampasaherong jeep, kung kaya’t dere-derecho ang sasakyan sa kalsada na parang nagwawalang kabayo. At blag! Isang lalaking naglalakad sa lugar ang nasagasaan ng sasakyan at nagkalasog-lasog ang katawan. Misturang sinundo ni Kamatayan ang biktima dahil ito ay nasa maling lugar at maling oras.

Wala pa ring pagkakakilanlan ang lalaking nasawi matapos masagasaan ng isang pampasaheron jeep noong Martes ng hapon, Abril 25, sa Malabon City.

Halos malasog ang katawan ng biktima na nasa pagitan ng 55-hanggang 60-taong gulang, may taas na 5’7, at nakasuot ng polo shirt na stripe at berdeng short pants makaraang masagasaan sa C. Arellano St. Brgy. Baritan dakong ala-1:30 p.m. Agad namatay ang biktima.

Naaresto nina P/Sgt Ferdinand Dansal, P/Cpl. Pep Ryan Ulat at Pat. Christopher Brillantes ng Malabon Police Sub-Station-7 ang tsuper ng pampasaherong jeep na si Raul Suarez, 62, ng Arellano St. Brgy. San Agustin, makaraan ang malagim na insidente.

Sa imbestigasyon ni Malabon police traffic investigator P/SSgt. Robert Cabasag, minamaneho ni Suarez ang pampasaherong jeep (NSP-363) na biyaheng Gasak-Divisoria nang mawalan siya ng kontrol sa manibela pagsapit sa C. Arellano at aksidenteng nasagasaan ang biktima na naglalakad sa naturang lugar.

Nanawagan naman si Malabon police chief P/Col. Albert Barot sa sinumang nakakakilala sa biktima na ipabatid sa kanyang pamilya na nakalagak pa rin ang bangkay Nate Funeral Service.

AUTHOR PROFILE