Lalaki kalaboso sa pantayang baril sa sugal

February 18, 2022 Jonjon Reyes 134 views

INAKALA ng mga rumespondeng pulis na simpleng sugal lupa lamang ang kanilang madadatnan subalit isa sa dalawang nahuli nila ang may dalang baril na umano’y itataya nito sa sugal, gabi ng Huwebes sa Sta. Ana, Manila.

Kinilala ang dalawa na sina Robert Tiglao, 28, binate at tambay, ng Raduim St., Bgy. 775 San Andres Bukid, Manila at isang Rey Buenarte, 40, binata, sidecar boy ng Brgy. 905 Punta Sta. Ana.

Base sa ulat ni P/Lt. Col. Orlando Mirando Jr., commander ng MPD-Sta. Ana Police Station 6, bandang 11:25 ng gabi nang rumesponde ang kanyang mga tauhan sa nagaganap na sugal na “cara y cruz” sa tapat ng bahay ni Buenarte sa nasabing lugar.

Isa umanong concerned citizen ang tumawag sa telepono sa Sta. Ana Police Station na nagsumbong na may mga iligal na nagsusugal sa naturang lugar.

Hindi naman nag-aksaya ng oras sina P/SSG. Mark Jason Aga at dalawa pa nitong kasamahan at nagtungo sa lugar sak nahuli sa aktong nagsusugal ang mga suspek.

Dito na nagpulasan ang iba pang manunugal at dalawa dito ang natimbog kabilang si Tiglao.

Nang kapkapan ang dalawa, nakitaan ng kalibre .38 na may 3 bala kay Tiglao.

Kasong paglabag sa Presidential Degree 1602 (Illegal Gambling) ang isasampa sa dalawang suspek, bukod pa sa paglabag Republic Act 10591 (Illegal Possession of Firearm and Ammunition) in relation to Omnibus Election Code of the Philippines ang kahaharapin din ni Tiglao.

Narekober din bilang ebidensiya ang 3 coins na gamit sa sugal at P250.

Gayunman, isasailalim sa masusing imbestigasyon ng pulisya kung ang dalawa ay sangkot sa serye ng holdapan sa buong area ng Sta. Ana hanggang sa Mandaluyong City. Jon-Jon Reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE