Suspect Agad na tinurnover ng mga kapulisan ng MPD Malate Stn. 9 ang suspek na si Ronald Campos sa himpilan ng Homicide section upang imbestigahan sa pagpatay nito sa kanyang live-in partner sa isang hotel sa Malate, Manila. Photo by Jon-jon Reyes

Bebot pinatay ng live-in partner dahil sa selos

February 18, 2022 Jonjon Reyes 151 views

DAHIL sa selos ng isang 41-anyos na lalaki na may iba na umanong pag-ibig ang kanyang kinakasama, agad niyang kinompronta ito sa isang hotel at saka pinagbabaril Biyernes ng umaga sa Malate, Manila.

Nagawa pang maisugod sa ambulansiya ang biktimang si Joy Gemino, 28, ng G2 Village, Taguig City.

Samantalang nasakote naman ng mga operatiba ng Manila Police District – Adriatico Police Community Precinct (PCP) sakop ng Station 9 ang suspek na nakilalang si Ronald Campos, tubong Cagayan at residente din sa nasabing lugar sa Taguig City.

Batay sa ulat nina Det. Jason Ibasco at Det. Carlos Garcia na isinumiti kay P/Lt. Adonis Aguila, hepe ng MPD-Homicide Section (MPD-HS), bandang 6:10 ng umaga, nang makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril sa isang silid ng hotel sa Malate.

Kasabay nito nakita ng mga kapulisan ang papatakas na suspek kaya agad silang humingi ng responde sa naturang PCP, nadakip ang suspek at narekober ang ginamit na 9mm na baril sa krimen.

Nauna rito, nagcheck-in sa hotel ang maglive-in, hanggang sa magkainitan umano sa pagtatalo dahil nararamdaman nito ang panlalamig ng kanyang ka-live-in sa hinalang may iba na umano itong lalaki bukod pa sa nakita nito sa cellphone ng biktima ang mga texts ng lalaki nito.

Nakatakda sana silang ikasal sa darating na Feb. 28. Niyakap daw muna ng suspek ang biktima saka pinagbabaril sa iba’t-ibang parte ng katawan.

Naiwang nakahandusay sa lapag ang biktima, kaya mabilis na isinugod ng mga tauhan ng MDRRMO sa Ospital ng Maynila at dakong 6:45 ng umaga idineklarang dead on arrival ni Dr. Ed Halili.

Dahil dito, kasong murder ang isinampa ng mga awtoridad habang ito’y nakakulong sa MPD-HS. Jon-jon Reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE