Lacson

Lacson expert vs korapsyon

January 9, 2022 People's Tonight 226 views

HABANG ang ibang kandidato ay puro pa lamang pangako at salita tungkol sa paraan ng paglilinis ng gobyerno, may klaro at malinaw nang nagawa si Partido Reporma standard bearer Panfilo Lacson sa usapin ng pagbuwag ng korapsiyon.

Ito ay nasiwalat sa panayam kay Lacson sa DWIZ radio nang mabanggit sa kanya ang impresyon ng publiko na karamihan sa mga kandidato ay puro lamang pangako at hindi naman natutupad pagdating ng takdang panahon.

“Ginagawa ko na e. Noong Chief PNP ako, ginawa ko na, tinigil ko ‘yung corruption sa PNP. Noong senador ako, maski may nakakaaway ako, talagang nagbabantay ako ng corruption.

Karamihan ng mga privilege speeches ko ay mula’t sapul hindi ba tungkol sa maling paggastos ng kaban ng bayan,” maiksi at klarong tugon ni Lacson sa nabanggit na impresyon.

Ibinigay niyang halimbawa ang pangunguna niya sa pagkalkal sa malawakang katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Department of Health, at Bureau of Customs na naging daan para makasuhan ang ilang matataas na opisyal nito.

Gayunman, binanggit din nito ang aniya ay malungkot na katotohanang may mga botante pa ring nahuhulog sa mga walang lamang pangako ng ilang kandidato, habang ang iba ay binabalewala na lamang ang korapsyon sa gobyerno dahil sa nakasanayang kalakaran.

Kaya payo ni Lacson sa mga botante, lalo pa sa mga nagsasabing pare-pareho lang naman ang mga tumatakbo sa pagkapangulo—na magaling mangako pero wala naman talagang aksyon kapag nanalo—tingnan ang mga nagawa na ng kandidato at hindi ang mga ipinapangako pa lang.

“Sabi nga nila, kasi panahon ng kampanya, pangako dito pangako doon. Ang sagot ko naman doon ‘ang tagal ko nang ginagawa ‘yan.’ Sa tinagal-tagal ko sa serbisyo—mula doon sa military, sa police, sa legislature—ni minsan hindi ako tumanggap ng suhol,” dagdag ni Lacson.

Nanawagan din siya sa lahat na pakinggan ang inilalatag niyang solusyon sa isyu ng korapsy sa gobyerno dahil sa kanyang track record o mahusay na pagganap sa tungkulin sa pagsusuri sa mga pangunahing problema ng bansa partikular sa wastong paggamit ng pondo ng pamahalaan.

“Paliwanag ako nang paliwanag, kung hindi naman kayo interesado makinig, at ang gusto niyo lang marinig ‘yung mga mabababaw na isyu na halata mo naman ‘yung pangako hindi kayang pangatawanan ay nasa sa inyo,” dagdag ni Lacson.

Aniya, hindi problema ang komunikasyon sa nakalulungkot na sitwasyon ngayon, sa halip posibleng ugat nito ang problema sa pagitan ng nagbibigay ng mensahe at tumatanggap nito na kinakailangan ng malaking pagbabago para magkaroon ng pagkakaunawaan.

“Kaya tayo baon sa utang ay kasi hindi natin na-a-appreciate ang maliliit na tagumpay sa laban kontra korapsyon,” sabi pa ni Lacson hinggil sa kanyang isinusulong na kampanya laban sa katiwalian.

“Imagine kung pareho mong i-improve ‘yon, mawawala ‘yung leakage sa revenue collection at mawawala rin ‘yung leakage sa paggastos sa expenditure. Lalo nang gaganda talaga ‘yung buhay ng bawat Pilipino na kababayan natin,” aniya.

AUTHOR PROFILE