Default Thumbnail

Laborer, tiklo sa iligal na armas

May 13, 2023 Edd Reyes 164 views

WALANG lusot ang construction worker na nag-iingat ng iligal na armas nang salakayin ng mga pulis na nakasuot ng body camera ang kanyang tirahan Biyernes ng umaga sa Caloocan City.

Sa bisa ng inilabas na search warrant ni Executive Judge Raymundo G. Vallega ng Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Branch 296, pinasok ng mga tauhan ni P/Maj. Darwin Decano, commander ng Caloocan Police Sub-Station 12, sa pangunguna ni P/Lt. Gregorio Farinas, deputy commander, ang bahay ng suspek, 54, sa Barangay 176 sa Bagong Silang dakong alas-6:30 ng umaga.

Sa ulat na ipinadala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben B. Lacuesta kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio Peñones, Jr., nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Decano kaugnay sa pag-iingat ng iligal na armas ng laborer kaya’t nag-apply sila ng search warrant sa korte nang lumutang ang testigong magpapatunay na may baril sa loob ng bahay ng suspek.

Bukod sa body camera, may alternatibo pang recording device ang mga pulis nang isagawa ang pagsalakay at dito nakita ang modernong uri ng kalibre .38 revolver na may kargang apat na bala na target ng inilabas na search warrant.

Dahil dito, kinumpiska ng mga pulis ang armas habang inaresto rin ang suspek na nagmamay-ari ng hindi lisensiyadong baril.

Pinapurihan naman ni Peñones ang mga tauhan ng Caloocan police na nasa ilalim ng pamumuno ni Lacuesta, kasabay ng pagbibigay ng babala sa mga nag-iingat ng iligal na armas na magpapatuloy ang pagtugis nila laban sa mga ito.

AUTHOR PROFILE