Karla

Kumakalat na quote card, fake! — Karla

December 3, 2023 Vinia Vivar 156 views

Mariing pinabulaanan ni Karla Estrada ang kumakalat na quote card sa social media kung saan ay sinabi niya umanong hindi cheater at hindi perpekto ang anak niyang si Daniel Padilla.

Ito ay kaugnay pa rin ng hiwalayang KathNiel na ilang araw nang hot topic sa social media matapos kumpirmahin ng dalawa ang kanilang breakup.

Sa Instagram ay ibinahagi ni Karla ang isang quotation na pinalalabas na siya ang nagsabi.

“Hindi cheater ang anak ko! My son is not perfect, but he’s learning and growing. People make mistakes, and it’s crucial to understand the context and the effort he’s putting into becoming a better person,” ang nakasaad sa quote card.

Nilinaw ni Karla na hindi niya ito sinabi at fake news ito.

“Fake po ito,” aniya. “Wala akong (ganitong) post at hindi ako ang gumawa ng ganitong post.”

Ayon pa sa ina ni DJ, hina-hunting na nila isa-isa ang mga gumagawa ng kung anu-anong paninira.

“Amin na pong iniisa isa ang mga accounts ng mga mapanirang tao na gumagawa ng mga ganito,” ang tila pagbabanta ni Karla.

YASSI, BINIGYAN NG P100,000 AT EKSTRANG PAMASKO ANG NAGREREKLAMONG TAXI DRIVER

Walang kamalay-malay si Yassi Pressman na wanted na pala siya ni Sen. Raffy Tulfo sa programang Raffy Tulfo in Action.

Isang Grab driver ang dumulog kay Idol Raffy nitong Sabado, Dec. 2, at inirereklamo na nabangga umano ng sasakyan ni Yassi ang kanyang taxi noong Nov. 21 sa Bonifacio Global City (BGC).

Ayon sa reklamo, nagte-text ang driver ni Yassi that time kaya nabangga ang likod ng kanyang taxi. In fairness, hindi naman nakasakay ang aktres sa kotse nang time na ‘yun.

Malaki ang bangga ng taxi at nakausap umano niya si Yassi na nangakong sasagutin ang lahat ng gastos sa pagpapaayos.

“Sa ngayon po, sir, 11 days na po akong naghihintay ng response nila, halos lahat po, tinawagan ko na po,” pahayag ng driver.

Dahil sa nangyari ay 11 days na rin umano siyang hindi nakakapasada dahil hindi mabuksan ang pintuan sa likod ng taxi at hindi rin masara ang compartment.

Sa isang bahagi ng video ay napaiyak ang lalaki dahil marami siyang bayarin at pinapagamot pa niya ang kanyang nanay kaya gustung-gusto na niyang makapagpasada.

Sa awa ni Sen. Raffy ay nangako siya na siya na ang sasagot ng pagpapaayos ng taxi na aabot sa P49,000 at nagbigay pa ng additional P25,000 para sa mga araw na hindi nito nakabiyahe.

Good thing, maya-maya ay nakatanggap sila ng tawag mula kay Yassi at nakarating na sa kanya ang pangyayari.

Humingi ng dispensa ang aktres dahil ang akala raw niya ay wala pang quotation ng cost ng repair.

Ani Yassi, wala namang problema at willing siyang sagutin ang gastos. Panay din ang hingi ng dispensa ng aktres kay Idol Raffy pati na rin sa driver.

Ayon pa kay Yassi, tinanggal na niya ang driver at hindi ito dahil sa aksidente.

Nang araw ding ‘yun ay nakipagkita si Yassi sa taxi driver para personal na iabot ang pera at dinoble pa niya ito.

Nagbigay siya ng P100,000 at may additional pang pamasko.

“Dinagdagan ko na para meron kang… maraming extra ‘yan, Merry Christmas, pasensya na ulit,” sey ni Yassi sa driver habang inaabot ang pera.

Tuwang-tuwa naman ang driver at abut-abot ang pasasalamat at paghingi rin ng sorry.

Nagpasalamat din si Yassi kay Sen. Raffy na naging daan para maipaabot sa kanya ang problema.

AUTHOR PROFILE