Default Thumbnail

Kudos, Sen. Bong Revilla!

January 27, 2022 Paul M. Gutierrez 314 views

PaulMASAYA nating iniuulat sa ating mga kasamahan sa media at sa ating mga kababayan, ang pagpasa sa Senado ng Agosto 30, kapanganakan ni Gat. Marcelo H. del Pilar, bilang ‘National Press Freedom Day.’

Aber, ilang minuto nga matapos maipasa sa plenaryo ng Senado ang SB 670 na prinsipal na inakda ni Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla, Senate Committee chair on Public Information and Mass Media, tinawagan pa nga niya ang inyong lingkod (bilang presidente ng National Press Club) upang personal na “ibalita’ ang magandang balita, hehe!

Sa totoo lang, dear readers, isa si Sen. Bong sa mga senador na bagaman “tahimik” ay masipag naman sa trabaho at sadyang nagmamalasakit sa hanay ng media.

Batay pa mga sa rekord ng Senado, isa ang SB 670 sa mga unang panukala ni Sen. Bong nang manalo siyang senador noong 2019.

Hulyo 22, 2019, nang ipanukala niya ang pagkilala kay Gat. Plaridel at natapos rin niya ang committee report nito noon pang Pebrero 12, 2020 (Committee Report No. 48).

Sa panig naman ng midya sa pangunguna ng NPC, panahon pa ni Noynoy Aquino (2015) ay isinusulong na natin ang pagtatakda ng kaarawan ni Gat. Plaridel bilang ‘National Press Freedom Day.’

Kahit pa nga sa termino ni Pang. Rody, itinuloy natin ang ating kampanya at natutuwa naman tayo na isang Sen. Bong Revilla ang magtataguyod sa Senado ng adbokasiya nating ito!

***

Ngayon namang “nalalapit” na ring maaprubahan ng Senado ang ‘Media Workers Welfare Act’ (MWWA), isa sa mga panukalang batas na sinusuportahan ng NPC at iba pang mga lehitimo at matitinong organisasyon ng media sa bansa katulad ng KBP at PAPI, alam ba ninyo, mga “kapatid sa hanapbuhay,” na “utang” din natin ito kay Sen. Bong?

Dangan kasi, si Sen. Bong (bukod kay SP Tito Sotto) ang naghain ng panukala sa Senado para sa MWWA?

Ito ay sa ilalim naman ng SB 2021, na inihain ni Sen. Bong noon pang Enero 26, 2021, matapos matanggap ng Senado ang ‘counterpart bill’ mula sa Kongreso, upang matiyak na agaran itong maipapasa sa Mataas na Kapulungan.

Hindi lang yan. Dahil nga sinsero ang malasakit sa kapakanan ng media, ‘co-author’ rin si Sen. Bong ng ‘version’ ni SP Sotto at Sen. Joel Villanueva sa ilalim ng SB 2467.

Translation?

Eh, “mabuti” pala talaga na may isang Sen. Bong Revilla sa Senado, mga kabayan na bagaman nga “pinulutan” ng ilang seksyon ng media at matagal na “nagdusa” partikular sa termino ni Noynoy Aquino, ay hindi “nagtanim” ng galit sa katawan at sa halip, tiningnan ang ikabubuti ng mas nakararami sa hanay ng media.

Mabuhay at kudos, Sen. Bong Revilla!

AUTHOR PROFILE