KrisshRome

KrisshRome tandem, hahataw ngayong 2024

March 2, 2024 Ian F. Fariñas 214 views

Jetlag ka pa ba mula sa Safe Skies, Archer (SSA)? Ang ikalawang season ng Viva One adaptation ng The University Series ni Gwy Saludes ay mas lalong nagpa-excite sa fans ng serye, lalo na ang bagong loveteam nina Jerome Ponce at Krissha Viaje na dapat pang abangan sa mga bagong proyekto.

Tinaguriang “KrisshRome” ng fans, maraming naging followers ang loveteam mula nang ipalabas ang SSA.

Kamakailan ay nagkaroon ng back-to-back signing ang KrisshRome bilang parte ng artist management ng Viva na VAA para sa mas marami pang mga proyekto ‘di lamang bilang loveteam kundi bilang solo artists din.

Pinasasalamatan nila ang KrisshRome fans, lalo na ngayong ang tagumpay ng serye ay nagbukas ng maraming oportunidad para sa kanila.

Noong 2023 pa VAA talent si Jerome. Sa rami ng mga nakapilang proyekto, sumabak agad siya sa paggawa ng mga ito, patunay na isa siyang bankable leading man.

Nagsimula siya sa Martyr or Murderer (2023) bilang batang Ninoy Aquino, TV series projects tulad ng isang episode ng romance anthology series na For the Love (2023), Kung hindi lang tayo sumuko (2023), Roadkillers (2023) kasama si Nadine Lustre hanggang sa launching series ng KrisshRome na SSA.

Meron na ring nakaabang na proyekto si Jerome ngayong 2024 at ito ay ang pelikulang pinagsasamahan nila nina Jasmine Curtis-Smith at Diego Loyzaga, A Glimpse of Forever, na showing na sa March 6.

Ang role naman ni Krissha bilang Yanna sa SSA ay nagbigay sa batang aktres ng oportunidad na mas lalo pang paghusayan ang pag-arte.

Na-showcase rin ang talento niya sa pagkanta sa single na Payapang Alapaap, OST ng serye.

Bago makuha ni Krissha ang lead role sa SSA, lumabas na siya sa ilang proyekto tulad ng For the Love (2023), Mary Cherry Chua (2023), Greed (2022) at sa unang season ng The University Series na The Rain in España (2023).

Ang paglunsad sa kanya bilang bida sa SSA ay nagbukas ng mas marami pang oportunidad sa karera ng batang aktres.

Abangan ang pagbabalik ng KrisshRome sa susunod pang seasons ng The University Series, pati na ang pagbibidahan nilang horror series na Sem Break na mapapanood exclusively sa Viva One.

Magbabalik rin ang ibang members ng Univerkada ng The University Series. Abangan ang Sem Break sa Viva One ngayong Mayo.

AUTHOR PROFILE