Kris Kris Bernal with Baby Hailee

Kris umaming nahihirapan matapos manganak

January 28, 2024 Aster Amoyo 167 views

NAGKUWENTO si Kris Bernal sa magandang karanasan na may kasamang mga pagsubok ang pagiging isang ina nang iluwal niya ang anak nila ni Perry Choi na si Baby Hailee Lucca.

“I think it’s both beautiful and hard. Because I believe in acknowledging the highs and lows of pregnancy and post-partum. Sa totoo lang, nahihirapan talaga ako, hindi ko in-expect na ganu’n kahirap. I was enjoying my whole time being pregnant. Pero hindi ko alam na ang hirap pala kapag nanganak ka na,” sey ni Kris.

Ayon kay Kris, may mga pagkakataong nalilimutan na niyang alagaan ang sarili gaya ng pagkain, pagsusuklay at pagligo.

Ibinahagi pa ni Kris na isinilang niya si Baby Hailee sa pamamagitan ng Cesarean section.

“Grabe pala ang pain kapag Cesarean ka, ‘yung recovery mo ang tagal. So nahirapan din talaga ako,” diin pa ng Kapuso actress.

Sinabi rin ni Kris na natigil din siyang gawin ang ilang nakahiligan niya tulad ng vlogging.

“Everything stopped talaga, I stopped vlogging, ‘yung social media ko wala ka nang halos makita, kasi nga nagbago talaga ‘yung mundo ko. Kahit mahirap, kahit walang tulog, alam mong nandiyan, may baby ka, blessed ka with a child, kasi not everyone naman nabe-blessed ng ganito, kaya very thankful talaga ako.

“Ang pinakamasarap na feeling na nakikita ko na hinahanap ako ng baby ko, very clingy siya sa akin, ngumingiti na siya sa akin kasi nagre-react na siya, nare-recognize na niya ako as a mom, ‘yun ‘yung balik na happiness.

“Actually na-realize ko, ang strong ko pala, kasi ang akala ko dati, ito na ang kaya kong gawin. Pero kapag naging mommy ka pala, grabe, lahat willing kang gawin kahit na wala kang tulog, tapos lahat talaga isa-sacrifice mo. So hindi ko akalain na ganoon ako ka-strong.”

Miguel ipinakilala na bilang isa sa ‘Running Man’

Miguel
Miguel Tanfelix with Mikael Daez

IPINAKILALA na si Miguel Tanfelix bilang bagong runner sa Season 2 ng “Running Man Philippines.” Ang tips daw na nakuha niya sa mga kapwa niya runners, huwag basta-basta magtitiwala.

Sinabi ni Miguel na naninibago siya sa pagsabak sa reality game show dahil nasanay siya sa drama projects. Ang “Starstruck Kids” ang huling reality show na kaniyang sinalihan na 20 years na ang nakararaan at iba sa format ng Running Man Philippines.

Mahigit 40 days silang mananatili sa South Korea para sa taping ng show. Sa unang mga araw niya sa naturang bansa, na-enjoy niya ang kaniyang first snow experience at nagkaroon din ng pagkakataon na makapasyal na mag-isa.

“Marami-rami din akong na-enjoy dito. In-enjoy ko na mag-travel mag-isa. Yun naman talaga hilig ko ever since. Nagte-train akong mag-isa. In-enjoy ko rin yung pag-commute dahil sa Pilipinas hindi ako laging nakakapag-commute. Nagte-train ako dito, naglalakad-lakad. May isang araw nga naka-almost 30,000 steps ako dahil super gustong-gusto kong gumala.”

Dahil matagal din siyang mamamalagi sa South Korea, nagdala ng pangontra home sick si Miguel.

“Marami akong nami-miss actually, kaya dinala ko itong laptop ko para lagi kaming magbi-video call ni Ysabel (Ortega),” ngiti pa ni Miguel.

Kasama rin muli sa Season 2 ng Running Man Philippines sina Glaiza de Castro, Mikael Daez, Buboy Villar, Angel Guardian, Kokoy de Santos at Lexi Gonzales.

Boss Toyo hindi ikinahihiya ang nakaraan

Toyo
Jayson Luzadas aka Boss Toyo with Loves Joy

HINDI ikinahihiya ng negosyante at vlogger na si Boss Toyo, o Jayson Luzadas, ang kanyang nakaraan na dati siyang pasaway, adik, snatcher, takaw-away at ampon.

Ikinuwento ni Jayson na 13-anyos siya nang malaman niyang ampon siya nang lapitan siya ng isang nagpakilalang kapatid niya habang nakatambay siya sa inuman.

“Directly sinabi niya na, ‘Kuya kita.’ Sabi ko sino ka? Sabi niya kapatid kita. Magkakapatid tayo, isa ang nanay natin,” saad ni Jayson.

Aminado si Jayson na nakaapekto sa kanya ang pangyayari at nagrebelde siya lalo pa’t hindi pa niya alam noon ang tama at mali.

Ayon kay Jayson, nalulong siya sa ilegal na droga, nagbebenta ng mga gamit, nangungupit, at natutong magnakaw para matustusan ang kaniyang bisyo. Naging basagulero rin siya at ilang beses na nasaksak, naging snatcher at hindi nakapagtapos ng pag-aaral.

Naghahanap umano siya ng atensyon nang mga panahong iyon na nakita niya sa mga barkada at bisyo.

Pero nagsimula raw ang pagbabago sa kanyang buhay nang magkasakit siya ng dengue na halos ikamatay niya. Kinailangan siyang salinan ng dugo noon.

“After kung mailabas ng ospital sabi ko parang ayoko nang mag-shabu,” kuwento niya.

Kasabay nito, may nag-alok sa kanya na maging delivery boy na umaabot ng gabi ang trabaho. Doon raw siya natutong pahalagahan ang pera. Hanggang sa naging asawa niya si Loves Joy.

Ayon kay Jayson, sinubukan lang niya noon nag-buy and sell business na kilala na ngayon na “Pinoy Pawnstar.” Galing naman daw sa kanilang gold business ang puhunan nito.

AUTHOR PROFILE