CIA

Komplikadong usapin sa lupa tampok sa ‘CIA with BA’

May 31, 2024 Vinia Vivar 81 views

“Sometimes, just like life, it’s complicated.”

Ito ang sinabi ni Senator Pia Cayetano habang tinatalakay nila ng ‘CIA with BA’ co-hosts na sina Alan Peter Cayetano at Boy Abunda,ang isang komplikadong kaso na kinasasangkutan ng mga miyembro ng pamilya at kanilang lupa.

Sa ‘Case 2 Face’ segment nitong May 26, nagreklamo si Estela tungkol sa hipag na hilaw na si Evelyn, dahil sa pag-aangkin ng bahagi ng lupang pinaniniwalaan niyang pag-aari niya.

Ayon kay Estela, ang lupain ay ibinigay sa kanya ng yumaong tiyahin.

Samantala, ang yumaong kapatid niyang si Geronimo ay binili ang 50-square meter na bahagi na inaangkin ni Evelyn. Ang bahaging ito ng property ay dating isinangla ni Geronimo kay Rajo, tinubos ni Luisito (kapatid ng asawa ni Estela), at sa kalaunan ay ipinagbili kay Estela dahil sa mga problemang pinansyal.

“Mabigat. Kasi talagang pasa-pasa ‘yung ownership nu’ng lupa and then (may) denial..” sabi ni Pia.

“But you can lessen the complication by documenting, ‘di ba? That’s one reminder we always give. And clarifying the objectives, especially among family,” dagdag niya.

Habang nagpapatuloy ang talakayan, lumabas na may kakulangan sa dokumentasyon sa buong proseso, kung saan nangako ang programa na tutulong sila.

“Kailangan talaga matuto tayong mag-agree to disagree… Hindi mawawala ‘yung stress e, hindi mawawala ‘yung (feeling na) parang anxious ka, hindi mawawala ‘yung (thought na) ‘sana ma-solve na ‘to ulit.’ Pero nadadagdagan kasi kung ‘yung away, manganganak.,” komento ni Kuya Alan sa pagtatapos ng episode.

Para naman kay Tito Boy, sabi niya, “Hindi maluluma ‘yung konsepto na, ‘Let’s build relationships.’ Ang daming maiiwasan na gulo kung merong mga relasyon. Importante kasi na napapaalalahanan tayo kung saan tayo nanggaling, ano ang ating kwento. Because if we’re able to celebrate our story, ‘yung ating present, ‘yung ating now, ay — hindi ko man masasabi na lahat ng ating problema ay maso-solve pero — mas klaro ang perspektibo, ang point of view, dahil alam mo ang iyong pinanggagalingan.”

Ang episode ay nagtapos sa pagbibigay-diin sa kahalagahan ng tamang dokumentasyon at malinaw na komunikasyon sa paglutas ng mga alitan sa pamilya, na naglalagay ng halaga sa relasyon at pagkakaunawaan.

Ang ‘CIA with BA’ ay ipinapalabas tuwing Linggo, 11:00 p.m., sa GMA-7. May mga replay sa GTV, Sabado, 10:30 p.m.

AUTHOR PROFILE