Kulong

KINATAY DAHIL SA SIBUYAS

March 6, 2024 Steve A. Gosuico 74 views

GABALDON, Nueva Ecija – Patay ang isang 61-anyos na magsasaka ng sibuyas noong Martes matapos itong masangkot sa mainit na pagtatalo sa kanyang kapuwa magsasaka, dahil sa porsyento ng kita ng bawat isa sa kanila mula sa kanilang ani ng sibuyas.

Nabatid ng pulisya ang insidente matapos tumawag ang isang concerned citizen at sinabing nangyari ito sa Purok Gumamela sa Barangay Bagong Sikat bandang alas-5 ng hapon.

Sinabi ni police head Major Milo V. Abriam na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang 59-anyos na suspek sa biktima tungkol sa halaga ng kanilang paghahatian mula sa kikitain ng kanilang ani ng sibuyas.

Naging madugo aniya ang komprontasyon nang tagain ng suspek ang biktima ng dalawang beses sa ulo at kaliwang binti.

Ang sugatang biktima ay isinugod sa Gabaldon Medicare Community Hospital ng mga rumespondeng tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management, ngunit idineklara itong dead on arrival ng attending physician.

Samantala, kusang sumuko sa pulisya ang suspek matapos ang insidente ng hacking. Dala niya ang kanyang bolo, ang sandata sa pagpatay.

Inihahanda na ang kasong murder para sa inquest-filing laban sa suspek sa Provincial Prosecutor’s Office sa Cabanatuan City.

AUTHOR PROFILE