QCGH

Killer nagregalo ng bala sa b-day party, 1 patay

May 7, 2023 Melnie Ragasa-limena 271 views

NABAHIRAN ng dugo ang dapat sana ay masayang birthday party matapos dumating ang hindi inaasahang bisita at namaril na nagresulta sa pagkamatay ng isang lalaki nitong Linggo sa lungsod Quezon.

Namatay habang ginagamot sa Quezon City General Hospital ang biktimang si Henry Argales 51 taong gulang.

Patuloy ang manhunt operation ng pulisya sa hindi pa nakikilalang gunman.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District nangyari ang insidente sa Nawasa Road, Kangkungan, Brgy. Pasong Tamo, Quezon City bandang 12:10 a.m. ng May 7, 2023.

Tumutulong umano ang biktima kasama ang ilang kapitbahay para sa preparasyon ng kaarawan ng isang kamag anak bago nangyari ang pamamaril.

Habang abala umano ang biktima kasama ang ilang kapitbahay ay may dumating na lalaki at pinagbabaril ng apat na beses ang biktima.

Tumakas ang suspek dala ang baril na ginamit habang dinala ang biktima sa nasabing pagamutan.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya.