Default Thumbnail

Kelot timbog sa P.6M shabu sa Batangas city

April 19, 2023 Jojo C. Magsombol 246 views

CAMP GEN. MIGUEL MALVAR, Batangas – Sa kulungan ang bagsak ng 41-anyos na lalaki matapos na mahuli sa isinagawang operation ng pinagsanib na puwersa ng Office of the Provincial Director-Drug Enforcement Unit (OPD-DEU) at Batangas City Police Station (CPS) sa Batangas City bandang alas 4:15 ng umaga ng Sabado, Abril 15 sa Batangas City.

Ayon sa ulat ng Batangas Police Provincial Office (BPPO) sa pangunguna ni Officer-in-Charge (OIC) P/Col Pedro D. Soliba sa ilalim ng pangangasiwa ni PRO CALABARZON (Cavite/Laguna/Batangas/Rizal/Quezon) Regional Director P/Brig. Gen. Jose Melecio C. Nartatez, Jr., nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad ng Batangas City PS (Police Station) hinggil sa iligal na aktibidad ng suspek kaya’t kaagad na nagkasa sila ng isang operasyon sa pangunguna ni P/Lt. Col. Dwight F. Fonte Jr., ang hepe ng nasabing istasyon.

Matagumpay na nadakip ang suspek na residente ng San Pascual, Batangas.

Narekober sa suspek ang plastic na may lamang shabu, mobile phone, marked money, at sasakyan nito.

Tinatayang humigit kumulang sa 100 gramo ng shabu na may halagang P680,000 ang nakuha sa suspek.

Pansamatalang nasa kustodiya ng Batangas PPO ang suspek habang inihahanda na ang kasong paglabag sa RA (Republic Act) 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

“Patuloy na pinag-iibayo ng kapulisan ang kampanya nito kontra kriminalidad at iligal na droga at ang inyong suporta at pakikiisa sa PNP (Philippine National Police) ay malaking tulong para maging ligtas at maunlad ang ating komunidad,” pahayag ni Soliba.

AUTHOR PROFILE