Lacuna

Kaso ng COVID sa Maynila tumataas

July 17, 2022 Edd Reyes 246 views

INIULAT ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang muling pagtaas ng aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Sa kanyang kauna-unahang Capital Report na napanood sa kanyang opisyal na Facebook page noong Sabado ng hapon, sinabi ni Mayor Honey na nakapagtala ang Lungsod ng Maynila ng kabuuang 100 kaso ng COVID-19 ng araw ng Sabado bagama’t sa ulat ng Manila City Public Information Office (PIO), umakyat na sa 115 ang bagong kaso na sobrang taas kumpara sa 19 na naitala noong buwan ng Hunyo.

Gayunman, sinabi ng alkalde na karamihan sa mga tinamaan ng nakahahawang sakit ay hindi gaanong matindi at walang sintomas na mabilis ding natutugunan ng kanilang COVID-19 Field Hospital sa Quirino Grandstand.

Bagama’t walang iniulat si Mayor Honey na nasawi hanggang Sabado ng hapon, nakapagtala ng isang namatay ang Lungsod ng Maynila ng araw ng Linggo habang 25 naman ang mga bagong gumaling na mas mataas kumpara sa 22 na unang naiulat ng alkalde.

Iniulat din ng Manila PIO na may kabuuang 205 na pasyente na o mahigit na sa kalahati ng kabuuang bilang na 344 bed capacity ang okupado na sa kanilang COVID-19 Field Hospital ng araw ng Linggo kumpara sa unang ulat na 172 ng hapon ng Sabado.

Binanggit din ng alkalde sa kanyang Capital Report na 165 o 96% sa 172 pasyente sa COVID-19 Field Hospital ay pawang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na dumating sa bansa kung saan siyam lamang sa mga ito ang mga taga-Maynila.

Nito lamang araw ng Linggo, umabot na sa 205 na pasyente ang nasa COVID-19 Field Hospital kung saan 188 na OFWs ay hindi mga taga-Maynila habang lima naman sa walong hindi OFWs ay taga-lungsod at tatlo ang hindi taga-Maynila.

“Dahil tumaas na naman po ang ating kaso, nakikiusap po ako sa ating mga kababayan ng mas ibayong pag-iingat laban sa COVID-19. Sana po ay maipagpatuloy ninyo ang pagpa-practice ng minimum health protocols, unang-una po ang pagsusuot ng face mask, pangalawa ay ang pagkakaroon ng social at physical distancing at pangatlo ay ang palagiang paghuhugas ng mga kamay,” paalala pa ng alkalde sa publiko.

AUTHOR PROFILE