Katulong Ang naarestong suspek. Source: QCPD PIO

Kasambahay idinetalye kung pano pinatay, sinunog 2 amo

March 7, 2024 Melnie Ragasa-limena 184 views

UMAMIN na umano sa mga imbestigador ang kasambahay na itinuturong suspek sa pagpatay at panununog sa kanyang mga among senior citizens nitong Martes ng gabi sa kanilang bahay sa Brgy. E. Rodriguez, Cubao, Quezon City.

Ayon kay Maj. Dondon Llapitan, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, idinetalye ni Marilyn Mante Pandita, 48, ginawang krimen sa kanyang mga among edad 80 at 76.

Si Pandita ay dalawang taon na umanong kasambahay ng naturang pamilya.

Sa kanyang salaysay sa Quezon City Police District- Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU),ay sinabi nito na mag isa lamang siya, ang plano lang umano niya ay pagnakawan ang kaniyang mga amo.

Sa kanyang salaysay, bandang 5 p.m. nang inabangan niya ang paglabas sa banyo ang among babae matapos maligo sa kuwarto ng kanyang apo.

Dito ay pinalo niya umano ng dalawang beses sa ulo gamit ang tubo.

Nang bumagsak sa sahig, muli niya itong pinalo sa tenga.

Tinungo naman ni Pandita ang among lalaki at inasikaso ang pagkain bandang alas 5:45 ng hapon. Natapos kumain ang lalaking amo at nagsisipilyo nang hanapin nito ang kanyang misis. Sinagot naman ni Pandita na nasa taas na kuwarto lamang.

Hindi na muling nagtanong ang among lalaki at sa halip ay umupo na lamang ito sa silya sa loob ng kanilang kuwarto.

Habang nakatalikod ang among lalaki, dito na ito hinampas ng tubo ni Pandita ng dalawang beses sa ulo gayundin sa tenga.

Pagkatapos ay kinuha niya umano ang susi ng vault at ang laman nito na pera.

Muli niyang binalikan ang babaeng amo at dinala sa kuwarto ng kanyang lalaking amo.

Palabas na siya ng kuwarto ng mag-asawa dala ang sobre ng pera nang mapansin niyang gumagalaw pa ang among lalaki. Dito ay kinuha niya ang icepick sa kusina at pinagsasaksak ito sa mukha.

Agad na inayos ni Pandita ang kanyang gamit upang tumakas subalit nakatanggap ito ng tawag mula sa anak ng biktima.

Upang maitago ang krimen, kumuha ng posporo si Pandita at sinindihan ang kumot sa kuwarto ng mag-asawa.

Nang lumalaki na ang apoy nagtungo si Pandita sa kanyang kuwarto hanggang sa marinig ang tawag ng isa pang anak ng mga biktima mula sa labas ng gate.

Dahil sa lumalakas na apoy, napilitan si Pandita na lumabas ng bahay dala ang kanyang maleta kaya dinala ng mga tauhan ng barangay sa barangay hall at dito naman tumakas. Agad din namang nasakote si Pandita.

Giit ni Pandita, hindi niya kinakaya ang masasakit na salita at pang-aabuso ng kanyang mga amo.

Sinampahan ng kasong two counts ng Robbery with Homicide at Arson si Pandita sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Sinabi naman ni QCPD Director PBGen. Redrico Maranan na inatasan na nya ang QCPD-CIDU na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa insidente at makipag ugnayan sa Bureau of Fire Protection kung saan lumalabas na hindi sunog ang ikinamatay ng mga biktima.