SMNI Source: SMNI News

Kapalaran ng SMNI nasa kamay na ng Senado

March 22, 2024 PS Jun M. Sarmiento 73 views

NASA kamay na ng Senado ang bola ng kontroversial na rebokasyon nang prangkisa ng Sonshine Media Network International (SMNI).

Ito ay matapos maipasa ng Mababang Kapulungan sa huling pagbasa sa ilalim ng House Bill No. 910 upang maipawalang bisa na ang prangkisa ng SMNI sa ilalim ng franchise holder nito na Swara Sug Media Corp na siyang nag ooperate ng SMNI.

Magkakahiwalay na pahayag ang sinabi ng mga senador sa naturang isyu kung saan ay ipinaliwanag ni Senator Grace Poe na ito aniya ay sa ilalim ng kanyang komite na Senate Committee on Public Service kung saan ay masusi aniya nilang pag aaralan ang naturang robokasyon upang makasigurong patas at tama ang kanilang mga magiging desisyon.

Para naman kay Senator Robinhood Padilla, kinumpirma niya na magkakaroon din siya ng hiwalay na imbestigasyon sa ginawang suspension ng National Telecommunication Commission laban sa SMNI kung saan ay inilarawan niya ito bilang ” baseless suspension. Si Padilla ang kasalukuyan chairman ng Senate Committee on Public Information and Mass Media na siya rin magpapatawag sa NTC.

Para kay Poe, nararapat lamang aniyang pag aralan ng husto ang bagay na ito kung saan ay isang buong Senado ay mas tama aniyang magbigay ng kanilang posisyon lalo pa aniya at ito ang unang beses na magkakaroon ng rebokasyon ang kasalukuyan o may tinatawag na existing franchise na inirekomenda ng kanilang counterpart sa Lower House.

“To my knowledge, this is the first instance that a proposal for a franchise revocation has made significant progress in Congress,”ani Poe.

Idinagdag pa ni Poe na dahil ito aniya ang rebokasyon ay masusing paghihimay ang gagawin ng Senado upang makita kung papaano gagawin ang pagwawalang bisa ng prangkisa nito dahil dadaan din aniya ang pamamaraan sa isang proseso gaya ng pagpapapasa sa anumang bill o isasabatas na mungkahi.

” No franchise bill has ever been listed as a priority so I defer to the leadership as to the pace of its disposition” ani Poe kung kaya’t inaasahan na magkakaroon ng pagpapahayag ang mga senador sa isyung ito at malamang na pagbotohan sa gitna ng plenaryo sakaling ganito ang mapagkasunduan ng mga senador.

Sa paliwanag ni Poe, base sa kasaysayan, ang Senado ay isang kinatawan ng taong bayan na nagdedesisyon base sa prinsipyo kung saan ito rin ay maituturing na isang pahiram na pribilehiyo.

“Which means that grantees should always abide by the tenets of fairness and public welfare,” giit ni Poe.

Para naman kay Padilla, ang kanyang gagawing pagpapatawag sa NTC ay upang pagpaliwanagin ang mga opisyales nito kung bakit nag-isyu sila ng ganitong suspension laban sa SMNI na hindi man lamang aniya ikinonsidera ang freedom of the press na maliwanag din niyan binangit sa ilalim ng kanyang Resolution No. 960.

Iginiit din ni Padilla na inalisan ng NTC ang mamamayan upang marinig ang iba’t ibang bersyon ng balita mula sa pribado hangang sa gobyerno, pati na rin ang mga kaganapan na dapat aniyang hindi pinagkakait sa mga mamamayan sa ilalim ng demokrasyang pamamaraan.

Inilahad ni Padilla ang Section 16 ng Rep. Act 11659 kung saan ay sinasabing may karapatan ang NTC at kapangyarihan upang mag suspende o magbigay ng rekomendasyon sa rebokasyon ng prangkisa sa ilalim ng nasabing probisyon ng batas.

Samantala,sinabi naman ni Senate Minority leader Aquilino Pimentel III na hindi niya nakikitang isang malaking isyu ang rebokasyon o pagpapatuloy ng prangkisa ng SMNI sapagkat ito aniya ay isang ordinaryong trabaho ng bawat mambabatas sa Senado at tinatrato aniya nila ng isang ordinaryo panukala na dapat pag ukulan ng tamang pag aaral.

Base sa kasalukuyan nakaugalian at sinusunod na panuntunan ng dalawang kongreso, ang rekomendasyon ng rebokasyon para sa SMNI ay mangagaling sa Mababang Kapulungan at ito ay tatalakayin bilang finale sa Senado dahil sa ang prangkisa ng SMNI ay hindi pa nag-expire kumpara sa dating ABS CBN na hindi na pinayagan pang mag-renew ng Kongreso nuong panahon ng dating Pangulong Duterte.

Matatandaan na nag-ugat ang pag ukilkil ng prangkisa ng SMNI , matapos umano maglabas ang nasabing station nga diumanoy mga “fake news” at “red tagging” na walang kaukulan na ebidensiya laban sa ilang miyembro ng House Representatives.

Ang SMNI ay diumanong pag-aari ni Kingdom of Jesus Christ pastor Apollo Quiboloy na kilalang matalik na kaibigan nina Duterte, at kasalukuyan iniimbestigahan din sa dalawang kapulungan dahil sa ibat ibang kaso na ibinibintang dito.