Default Thumbnail

Kahandaan ngayong tag-ulan

May 26, 2022 Marlon Purification 297 views

Marlon PurificationLAST week pa nagdeklara ang PAG-ASA ng opisyal na panahon ng tag-ulan.

Iyong mga pagbuhos ng ulan nitong nakaraang araw ay pangitain uli hinggil sa problema ng baha.

At habang inaantay ang opisyal na pagpapalit ng liderator sa Malakanyang sa darating na June 30 – gayundin ang pag-upo ng mga luma at bagong local government officials – maganda naman sigurong pagtuunan natin ng pansin ang paghahanda ngayong tag-ulan.

Alam natin na kasabay ng pagbuhos ng malalakas na ulan ay ang pagtaas ng baha sa mga mababang lugar. Hindi lamang ari-arian ang damay dito, kundi kabuhayan, usaping pagkalusugan at kahit buhay nating lahat.

Kaya nga dapat hanggat’ wala pang ‘formal turnover’ ng papasok na administrasyon ay magpursigi na ngayon pa lang ang mga kasalukuyang namamahala sa pamahalaan – national o local government man.

Maaring ilan sa kanila ay paalis na sa kani-kanilang pwesto, pero marami ring local officials ang sila pa ring nakaupo sa papasok na termino.

Kaya sana naman, ngayon pa lang ay nag-uumpisa na silang maghanda. Una ang paglilinis ng mga kanal, estero, imburnal at pagkumpuni sa mga sirang drainage system.

Malaking bagay kung magsama-sama ang lahat ng barangay officials dahil alam nating lahat na magkakatabi sila ng lugar. Kung babahain ang isang barangay, malamang ay damay ang katabi nilang barangay.

Ang lahat ng homeowners association ay dapat ding may direktang pakikipag-ugnayan sa kani-kanilang LGUs.

Iyong mga informal settlers na hanggang ngayon ay nasa panganib na lugar ay dapat nang ayusin upang wala nang magbuwis ng buhay.

Tunay na malaking problema ang pagbaha sa tuwing tag-ulan. Higit lalo dahil kakambal ng tag-ulan ang mga paparating sa bansa na bagyo.

Ang problema ng global warming ay patuloy na nakataas na ang kahit mayayamang bansa ay wala pa ring direktang solusyon sa ngayon.

Sa tuwing pumapasok ang tag-ulan, paulit-ulit ang nakikita nating problema kaya sana naman matuto na tayo sa ating mga pagkakamali noon.

Sana lahat ng LGU officials, papalabas man sila sa puwesto o hindi ay seryosohin ang mga problemang ito.

Umaasa na rin tayong sa papasok na BBM administration ay magkaroon ng maayos, kongkreto at komprehensibong urban planning.