Default Thumbnail

Malaking hamon ang sasalubong kay PBBM

May 25, 2022 Vic Reyes 291 views

Vic ReyesPARA makalikom pa ng dagdag na pondo, isusubasta ng gobyerno, sa pamamagitan ng Bureau of Customs (BOC), ang apat na kumpiskadong luxury cars sa Mayo 27.

Ito ay ayon sa isang kalatas na ipinalabas ng BOC’s Manila International Container Port (MICP) noong Biyernes.

Inaasahang makakalikom ang BOC, na pinamumunuan ni Commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero, ng P22.4 milyun kapag naipagbili ang mga kumpiskadong sasakyan.

Tatlo sa apat na luxury vehicles ang tatlong beses ng isinubasta pero hindi sila nabili. Kaya nga bababaan ng ahensya ang presyo ng mga ito sa darating na public auction.

Ang tatlong luxury cars na isusubasta uli ng BOC ay isang 2008 Ferrari Scuderia 430, isang 200l Porsche Boxster at isang 2011 Mercedes Benz E220.

Ang pang-apat na sasakyang ipagbibili ng ahensya sa pamamagitan ng public auction ay isang 2006 Lamborghini Vin na kinumpiska ng mga otoridad noon pang 2016.

Tama lang ang ginagawang pagsubasta ng BOC sa mga kumpiskado at abandonadong kargamento sa aduana.

Ginagawa ito ng pamunuan ng BOC, na nasa ilalim ng Department of Finance, para maiwasan ang tinatawag na “port congestion” at makalikom ng “much-needed funds.”

Kapag nagkakaroon ng “port congestion” ay bumabagal ang paglabas ng mga kargamento sa aduana na nagreresulta sa dagdag na gastos ng mga importer at customs broker.

Good job, Commissioner Guerrero!

***

Hindi natin masisisi ang papasok na administrasyong Marcos kung bakit hanggang ngayon ay wala pang ina-announce na papalit kay Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero.

Sa tingin ng mga waterfront observer ay nahihirapan silang pumili ng bagong hepe ng Bureau of Customs (BOC) dahil siguro sa dami ng gustong mapunta sa aduana.

Panahon pa yata ni Mahoma ay pinaglalawayan na nang maraming politiko ang pinaka-mataas na puwesto sa tinatawag na “snake-infested waterfront.”

Sa totoo lang, marami na siguro ang hindi nakakatulog ng mahimbing sa mga matataas na opisyal ng ahensya.

Ang kinatatakutan nila ay baka magkaroon ng malawakang balasahan pagpasok ng bagong hepe ng BOC.

Baka kung saan-saan nga naman sila ilipat, lalo na siguro ang mga district collector at iba pang matataas na opisyal.

Pero karapatan naman ng bagong customs commissioner na gawin ito para lalong mapaganda ang serbisyo sa aduana, kung saan nandiyan yata lahat ng klase ng “milagro.”

Kailangang makalikom ng malaking buwis ang BOC at Bureau of Internal Revenue para mapondohan ang mga proyekto at programa ng papasok na administrasyong Marcos.

May mga report nga na mahigit na yata 90 percent ng 2022 national budget ay nailabas na ng gobyerno para magamit sa pag-address ng COVID-19 pandemic.

Malaking problema ang sasalubong sa gobyerno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

***

Anim na taong manunungkulan ang administrasyong Marcos na magsisimula sa tanghaling tapat ng Hunyo 30.

Matagal na panahon ito kaya dapat kalimutan muna natin ang politika at asikasuhin na lamang ang mga problema na siguradong magpapahirap sa taumbayan.

Niluwagan na ng gobyerno ang mga pandemic restrictions pero mahina pa rin ang mga negosyo at marami pa rin ang mga walang trabaho.

At mukhang hindi na mapigilan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kasama na ang mga pagkain, hindi lang sa mga urban center kundi pati na sa kanayunan.

Ito ang malaking hamon sa papasok na bagong administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos.

Hindi dapat payagan ng gobyerno na umabuso ang mga negosyante dahil hirap na hirap pa ang mamamayan.

Habulin ang mga profiteer at hoarder para makita ng publiko na seryoso ang mga otoridad.

Kung hindi, baka magkaroon ng malawakang kagutuman dahil hindi na makaya ng ordinaryong mamamayan na bumili ng mga pang-araw-araw na pangangailangan.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE