EB23

Joey sa live stream ni Ryan: Ayaw namin ng TAPE, basta live!

June 14, 2023 Ian F. Fariñas 279 views

Kumpleto ang TVJ (Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon) at ang JoWaPao (Jose Manalo, Wally Bayola at Paolo Ballesteros) trio pati na si Ryan Agoncillo sa pictorial na ginanap kahapon sa bagong tahanan ng legit Dabarkads, ang TV5 sa Reliance, Mandaluyong.

Nauna nang nag-photoshoot bilang paghahanda sa pagbabalik-telebisyon ng OG Dabarkads sina Maine Mendoza, Ryzza Mae Dizon at Carren Eistrup.

Sa isang live streaming sa YouTube, ipinakita ang unang pananghalian ng OG Eat Bulaga family sa bago nilang tahanan.

Kabilang sa kanilang pinagsaluhan ang tinolang manok, pritong tilapia, atbp., na sabi nga nina Ryan at Jose ay pagkaing “pang-mayaman.”

Nang lapitan naman ni Ryan ang nagsisikaing TVJ, siniguro muna ni Joey kung “live” ba at hindi “TAPE” ang kinukunang video.

“Ayaw namin ng TAPE, basta live!” hirit pa ng Henyo Master kay Ryan na tila pasaring sa dati nilang producer.

Sa pag-iikot sa studio, makikitang kasama rin ng grupo ang OG director nilang si Poochie Rivera at OG headwriter na si Jeny Ferre.

Samantala, abalang-abala na nga ang grupo para sa pagbabalik nila sa ere matapos nilang kumalas sa TAPE, Inc. ng pamilya Jalosjos, producer ng dating Eat Bulaga sa GMA Network.

Kung matutuloy ang plano, ani Tito Sen, first week of July sila muling mapapanood sa telebisyon in time para sa 44th year ng EB.

AUTHOR PROFILE