Default Thumbnail

Isang pagsaludo sa ating mga guro

May 14, 2022 Magi Gunigundo 443 views

Magi GunigundoHINDI biro para sa mga guro ang halos 24-oras na pagbabantay sa katatapos na 2022 election.

Madaling araw pa lamang ng Mayo 9, ang mga guro ay nasa mga paaralan na at presinto elektoral para tiyaking nakahanda na ang lahat para sa halalan: ang vote counting machines (VCMs), battery, at mga opisyal na balota.

Pagpasok ng mga botante sa bawat presinto, nakaantabay na ang mga guro. May nakatalaga sa pag-asiste sa mga botante partikular sa matatanda at persons with disabilities (PWDs). Merong nakabantay sa VCMs para matiyak na naipapasok ng maayos bawat balota sa makina.

Lahat ng mga problemang nangyayari sa loob ng presinto ay sinikap resolbahan ng ating mga guro.

At pagkatapos ng botohan, diretso ang duty ng mga guro para tiyaking nababantayan ang kasagraduhan ng mga balota. Todo-bantay, todo-alerto at hindi puwedeng aantok-antok para maiwasan ang anumang aberya.

Bago naman sumalang sa naturang tungkulin, sumailalim sa pagsasanay ang mga guro upang matiyak na handa sila sa buong proseso at anumang posibilidad.

Sa isang artikulo ng Philippine News Agency (PNA), sinabi ng 25-anyos na si Teacher Bea Joy Arcenio na mahigit pa sa 24-oras siyang gising para sa halalan. “This was my first time to sit for the elections.We were already in school by 1 a.m. to prepare the things, vote counting machines (VCMs), battery, the official ballots,” aniya.

“I was awake for more than 24 hours but that doesn’t mean I was not able to look after the ballots. The preparations and training of teachers are not a joke,” dagdag pa ni Teacher Bea.

Sinabi naman ni Teacher Rica Joy Aquino, 25, na na-assign siya sa pag-asiste sa mga matatanda at PWDs na inalalayan niya sa pagboto. Aniya, maraming aberyang nangyari tulad ng kakulangan sa supplies na ipinadala ng Commission on Elections (Comelec) na hindi sapat sa apat na barangay at naging dahilan ng pagkaantala.

Bukod dito, may ilang botanteng gusto pang sumingit sa mga pila na kailangan nilang kontrolin at habang ginagawa ang mga tungkuling ito, nakabantay sila sa mga balota.

Ayon sa mga teachers, binantayan nila ang buong proseso sa abot ng kanilang makakaya at tiniyak na hindi ito mahahaluan ng anumang dayaan.

Sa gitna ng mga pagsasakripisyong ito, hindi maikakaila na habang ginagawa ito ng mga guro ay laging naroon ang posibilidad na madamay sila, masaktan o kaya’y mamatay sakaling mayrong maganap na mga karahasan.

Kaya naman karapat-dapat lamang na mabigyan ng dagdag na honoraria ang mga guro sa kanilang kabayanihan noong halalan.

Inirekomenda mismo ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner George Garcia ang pagbibigay ng karagdagang honoraria sa mga guro na nagserbisyo “twice, thrice, or more than their duty hours.”

Alam nating hindi sapat ang anumang pinansyal na kabayaran pero malaki ang maibibigay nitong kasiyahan sa mga guro na naglingkod sa halalan nang higit pa sa kanilang tungkulin. Binantayan nila ang kasagraduhan ng ating mga boto at tiniyak na magiging malinis ang halalan kaya dapat lamang nating kilalanin ang naging kontribusyon ng ating mga guro.

Sa inyo mga mahal naming teachers, isang pasasalamat at isang pagsaludo sa napakahalagang papel na ginampanan ninyo sa ating halalan. Tunay kayong mga bayani ng ating bayan. Mabuhay po kayo!

AUTHOR PROFILE