Biktima Source: PNP-Anti-Cybercrime Group FB

Isa pang ‘biktima’ ng pulis na sangkot sa sex kotong lumutang

April 19, 2024 Melnie Ragasa-limena 89 views

Biktima1ISA pang babae na biktima umano ng isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) na una nang inireklamo ng ‘sextortion’ ang lumutang at nilahad na naging biktima rin nito sa pagdodokumento ng kaniyang mga ginagawang pakikipagtalik.

Ang pangalawang biktima na 32-anyos na babae at empleyado sa isang ahensya ng gobyerno, ay naglakas-loob na ring lumantad upang ireklamo ang colonel ng pamba-blackmail sa kanya gamit ang mga sensitibong litrato at video.

Sa reklamo ng biktima, nagkaroon umano sila ng relasyon ng colonel at kinalaunan ay nakipaghiwalay rin umano siya dito.

Pero nang malaman umano ng asawa ng colonel ang kanilang naging relasyon ay pinagbantaan siya nito na ilalantad ang kanyang mga sensitibong larawan at video kung hindi siya magbabayad sa umanoy na hiniram na pera sa mister nito.

“Malandi ka babae ka, Puntahan namin ang magulang mo,” nakasaad umano sa ipinadalang mensahe sa biktima.

Pinag-iisipan ng biktima na magsampa ng mga reklamong kriminal laban sa opisyal at sa nagpapakilalang asawa nito.

Una na ring inireklamo ng sextortion ang colonel ng isang negosyanteng babae na nakarelasyon nito, matapos na ipadala ang kanilang naging pagtatalik sa anak na babae ng huli.

Dumulog na rin ang biktima kay PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil at hiniling na ilagay ang colonel sa ‘restrictive custody.’

Sa kanyang liham kay Marbil na may petsang Abril 8, sinabi ng babae na dapat tanggalin ang opisyal sa serbisyo ng pulisya dahil hindi siya karapat-dapat na maging pulis.

Giit ng biktima, labis ang pagdurusa ng kanyang anak na babae at ayaw na rin umanong pumasok sa paaralan matapos na ipadala dito ng colonel ang maselang video.