Default Thumbnail

Inuman nauwi sa patayan sa Valenzuela

November 10, 2022 Edd Reyes 359 views

NAUWI sa trahedya ang masayang pagdiriwang ng kaarawan ng isang trabahador nang humantong sa patayan ang pag-aaway ng dalawa niyang bisitang kapwa kasamahan sa trabaho Miyerkules ng gabi sa Valenzuela City.

Nadakip naman kaagad nga mga barangay tanod sa tulong ng mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 9 ang suspek na welder, at stay-in sa Agree Development Inc. sa Karuhatan, matapos niyang mapatay ang kasamahan sa trabaho na nagtamo ng tama ng saksak sa leeg, ulo at mukha.

Sa imbestigasyon nina P/EMSgt. Felix Viernes at P/MSgt. Julio Fernando ng homicide section ng Valenzuela Police, masayang nag-iinuman ang mga trahabador ng Agree Development sa loob ng naturang kumpanya nang komprontahin ng suspek ang biktima matapos ang kasiyahan dakong alas-10:30 ng gabi na nauwi sa kanilang pagsusuntukan.

Naawat naman ng kanilang mga kasamahan sa trabaho ang away ng dalawa kaya’t nagpasiya na ang suspek na pumasok sa kanilang barracks upang magpahinga subalit sumunod sa kanya ang biktima hanggang sa marinig na lamang ng kanilang foreman at isa pang welder ang nangyayaring gulo sa loob ng barracks.

Kaagad na pumasok sa barracks ang dalawa at dito na nila nadatnan ang duguan at nakabulagtang biktima na may tama ng saksak sa ulo, leeg at mukha kaya’t humingi na sila ng tulong sa mga nagrorondang barangay tanod.

Nakuha ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang malaking bahagi ng basag na baso na may bahid ng dugo na posibleng ginamit ng suspek sa pagpatay sa biktima.

Kasong homicide ang isinampa ng pulisya laban sa suspek sa piskalya ng Valenzuela City.

AUTHOR PROFILE