Default Thumbnail

‘Instant carmaggedon’

August 7, 2023 Allan L. Encarnacion 293 views

Allan EncarnacionHINDI lang sa kaunlaran ng Singapore or Hong Kong or Macau ako naiinggit kapag ikinukumpara ko ating bansa.

Mas kinaiinggitan ko ang sintido-kumon or common sense ng kanilang mga lider at ng mga private contractors na gumagawa sa kanilang mga imprastraktura.

Alam talaga nila ang kanilang ginagawa at makikita mong pasado talaga sila nang magkaroon ng pagsusulit sa pataasan ng common sense.

Kapag may ginagawa sa kalsada, malayo pa lang makikita mo nang may ginagawa talaga kasi visible talaga ang mga sign at mga signal na may ginagawa. Kung hindi man manual reminder, may mga electronic signs na sinasabing construction ahead, 300 meters beware.

Kaya halos walang insidente sa kanila na mahuhulog ang tao or mahuhulog ang sasakyan sa mga excavation. Dito sa atin, grabe ang mga contractors at ilang ahensiya ng pamahalaan sa kawalan ng sintido-kumon. Talagang bubulagain ka na may hukay pala sa harapan mo at kung mabagal-bagal ang reflexes mo, hulog!

Halimbawa diyan sa ginagawang MRT 7 sa tapat ng SM North at Trinoma. Isang umaga, gugulatin ka ng kontraktor na sarado pala ang Edsa kaya wala kang magiging access kapag galing ka ng North Avenue at Mindanao Avenue.

Nitong Sabado ng umaga, ihahatid ko ang aking anak sa MRT North Ave station bandang alas-6 ng umaga. Maluwag ang buong MIndanao Avenue at maluwag ang North Avenue. Nang makalahati na natin ang North Ave papuntang Edsa para mag-U turn sana sa SM Annex area, hayun, nagkaroon ng instant carmaggedon!

Isinara pala ng MRT contractor ang access road at lahat ng galing North Ave at Mindaoa Ave ay kailangan mag-U turn or kumaliwa sa Edsa-via North Avenue. At iyong mga pupunta ng Monumento at Soutbound, pinagbuhul-buhol nila sa ilalim ng ginagawang common station. Resulta, dambuhalang trapik na umabot hanggang Cubao at nagsara ang North Ave nang walang kamalay-malay ang mga motorista.

Ganoon sila katalino, balak pala nilang isara ang Edsa sa tapat ng SM, hindi pa sila naglagay ng babala sa mga sasakyan na visible para kung galing ka ng Mindanao ave, puwede ka nang kumaliwa sa eastbound ng North ave patungong QC circle at kakanan sa Agham Road.

Gustung-gusto ata ng mga kontraktor at ng DOTr na pinahihirapan ang mga mamamayan kahit hindi naman sana mahirap ang solusyon.

Kailan kaya nila iisipin ang kapakanan ng bayan sa paggawa ng kanilang mga proyekto?

Ang panawagan natin sa DOTr at sa kontraktor ng MRT 7 ay maging sensitibo naman at palaging ikunsidera ang kapakanan ng mamamayan.

[email protected]