Default Thumbnail

Saan sisilong ang mga rider?

August 7, 2023 Joey C. Papa 305 views

JoeyPAGMUMULTAHIN na ‘umano ang mga rider na sumisilong sa mga ilalim ng mga foot bridge sa panahong inaabot sila ng malakas na pag-ulan habang bumibiyahe.

Kailan lang nga ayon sa mga ulat ay may natiketan ng mga rider dahil sa pagsilong sa ilalim ng mga foot bridge.

Saan sisilong ang mga kababayan nating nakamotorsiklo na ang karamihan ay mga nagtatrabaho sa mga tanggapang pribado at pamahalaan bukod sa mga delivery rider?

May mga nagtatrabaho sa mga tanggapang pribado at pamahalaan na kahit may mga kotse ay bumili na ng motorsiklo at hindi na ginagamit ang mga sasakyan nilang apat ang gulong upang makaiwas sa krisis-trapiko sa Kamaynilaan at makatulong sa pagbabawas ng sikip ng daloy ng trapiko.

Kung pagmamasdan n’yo ang mga delivery rider na naghahatid ng mga goods o anumang supplies sa inyong mga tahanan, lagi silang pawis, kung minsan ay marusing na marahil dahil sa usok-lason polusyon at duming-kalsada mula sa mga lansangan na kanilang binabagtas.

Pawis na pawis sila dahil nagmamadali rin namang maihatid sa mga customer ang mga inorder na mga ito. Ibig sabihi’y ginagawa nila ng matapat ang kanilang trabaho para makatulong sa mga pangangailangan nating madlang Pinoy.

Isang nakausap kong rider ang nagsabing madalas daw siyang magkasakit dahil sa tindi ng init ng araw at biglang sasabayan ng pagbuhos ng malakas na ulan.

Kahit na magsuot sila ‘umano ng kapote, hindi rin naman tumigitil ang kanilang pagpapawis at bagkus ay nadadagdagan pa nga dahil sa init ng plastic na kapote.

Saan sila lulugar ngayong bawal naman silang sumilong sa mga ilalim ng foot bridge?

Naiintidihan ko ang possiyon ng pamahalaan sa isyung ito. Nakita ko rin kung paano nakahaharang sa trapiko ang pagdagsa ng mga rider sa mga foot bridge. Ang tawag ay “bumuntis” ang kanilang bilang . Nakaharang na ito sa daloy ng mga uri ng motorista.

Ngunit ano ang gagawin ng mga rider?

Mungkahi kong maglagay ng mga shed sa mga pangunahing kalsada lalo na sa Edsa at Commonwealth Avenue, at sa iba pa, na kung saan ay maluluwag ang mga bangketa at gawin itong dagdag na lay-over para makasilong ang mga rider sa oras ng pagbuhos ng ulan.

Ngunit dapat linawin na maaari lamang itong silungan sa mga oras ng biglaang pag-ulan. Hindi ito puwedeng gawing tambayan o permanenteng paradahan o garahe.

Mahalagang bahagi na ng ating kabuhayan ang mga rider kasama na ang mga Angkas, mga motrosiklong taxi na naghahatid sa mga kawani, pribado o gobyerno, mga estudyante, mga pangkaraniwang mamamayan na may mahalagang pupuntahan na hirap makasakay ng mga dyip at bus.

AUTHOR PROFILE