CIA

Inirereklamo, nakatanggap ng tulong mula sa ‘CIA with BA’

June 6, 2023 Ian F. Fariñas 288 views

Nakatataba ng puso ang tagpo na ang inirereklamo ang naging karapat-dapat bigyan ng tulong.

Sa episode ng CIA with BA nitong Linggo, dumulog ang dalawang babae (Soledad at Margie) para sa tulong at payo ng public service program tungkol sa isang babae (Nanay Feliza) na inaalagaan ang anak (Alvin) sa kabila ng mga kaguluhan na idinudulot nito sa komunidad. Inaamin naman ni Nanay Feliza na si Alvin umano’y may problema sa pag-iisip.

Sa halip na isipin ang sarili bilang mga biktima, ang paglapit nina Soledad at Margie sa programa ay tila tanda ng pagmamalasakit sa matanda, kay Alvin  at sa mga kapitbahay.

Pinunto ni Senator Pia Cayetano na bawat isa sa komunidad ay may karapatan para sa kapayapaan at dignidad.

“Sa maniwala kayo o sa hindi, nasa batas ‘yan,” sabi niya.

“Kayo bilang isang dakilang nanay, may karapatan kang makuha ang respeto ng mga kasama (at kapitbahay) mo,” sabi ni Sen. Pia kay Nanay Feliza. “‘Yung anak mo rin, may karapatan din na ganu’n, na alagaan ng komunidad.”

“At kayo rin may karapatan din kayong respetuhin at magkaroon ng katahimikan,” sabi niya sa mga nagrereklamo.

Bilang initiative ng programa, kinumbinsi naman ni Sen. Alan Peter Cayetano si Nanay Feliza na dalhin si Alvin sa isang mental health expert at ipa-check-up ang sarili sa doktor dahil may edad na rin siya at 72.

Ang CIA with BA ay ipagpapatuloy ng nasimulang misyon ni Senador Rene Cayetano, yumaong ama ng magkapatid na senador.

Si Sen. Rene ang orihinal na abogadong nagbibigay ng legal advice sa telebisyon at host ng sikat na programang Compañero y Compañera mula 1997 hanggang 2001.

Panoorin ang CIA with BA, kasama sina Alan, Pia at Boy Abunda tuwing Linggo, 11:30 ng gabi, sa GMA-7.

AUTHOR PROFILE