Toyo

Blvck Entertainment artist, balak bilhin ang historical OOTD ng TVJ

June 6, 2023 Ian F. Fariñas 400 views

DAHIL maituturing na historical ang ginawang pagre-resign ng Eat Bulaga trio na sina Tito, Vic at Joey sa producer nitong TAPE, Inc. noong May 31, puntirya ngayong bilhin ng social media personality at content creator na si Jasyon “Boss Toyo” Lazadas ang mga suot ng tatlo sa ginawang farewell episode.

Para sa mga hindi nakakakilala sa kanya, si Boss Toyo ang utak sa likod ng online show na Pinoy Pawn Stars na patterned mula sa sikat na Pawn Stars reality show na napapanood sa History Channel.

Kaya naman willing siyang maglustay ng kahit malaking halaga para lamang mapasakamay niya ang maituturing nang memorabilia ng sikat na triumvirate sa local television.

Hindi n’yo naitatanong, si Boss Toyo rin ang masuwerteng nakabili ng polo ni Chito Miranda (P150,000), polo ni Gloc-9 (P90,000) at ng polo ng yumaong Master Rapper na si Francis Magalona (P620,000) na ginamit nila sa iconic na Bagsakan music video.

Sa kanya rin ibinenta ng Kapuso artist at ngayo’y new Eat Bulaga co-host na si Buboy Villar and bato ni Darna kapalit ang halagang P5,000.

Maging ang lumang Mercedes Benz ni Senadora Imee Marcos na ginamit sa first installment ng Viva Films blockbuster trilogy na Maid in Malacañang, nabili rin ni Boss Toyo sa halagang P500,000.

“’Yun talaga ang mga trip ko ngayon, eh,” anang Internet sensation sa katatapos na mediacon na ibinigay sa kanya bilang bagong talent ng Blvck Entertainment Studios nina Engr. Louie at Grace Cristobal.

Para sa kanya, sulit ang paggastos niyang ito dahil malaking investment umano ang makapag-build ng ganitong klase ng rare collection.

“Alam mo, gustung-gusto ko talagang magkaroon ng memorabilia nila, eh. Maganda ‘yung last na suot nila. Saka ‘yung mga ginamit nila sa film nila. Gusto ko sana makabili nu’n,” pahayag ni Boss Toyo sa balak na pagbili ng mga gamit ng TVJ.

Anyway, nagka-interes naman sa kanya ang Blvck Entertainment dahil sa  kanyang pagiging creative, witty, funny at spontaneous.

On top of these, matindi rin daw ang passion niya for music kaya naman hindi naging mahirap para kina Engr. Louie at Grace na papirmahin si Boss Toyo sa Blvck Entertainment.

“We believe that our collaboration of ideas can give birth to new and interesting concepts in content production, particularly, music. With Boss Toyo bringing the good vibes to the company something unique, big and exciting is bound to happen,” ani Engr. Grace.

Bale hindi na baguhang maituturing si Boss Toyo sa larangan ng musika dahil nakapag-release na siya ng dalawang kanta sa iba’t ibang streaming platforms.

Nakatulong sa passion niyang ito ang pagiging close sa hip-hop artists tulad nina Flow G, Honcho at King Badger.

Released ng Blvck Music and latest single niyang Rap Lord na ang music video ay idinirek ni Edrex Sanchez.

Available na ito sa YouTube at iba pang music streaming platforms.

AUTHOR PROFILE